Boom Panis!

…ang kuwentong panis

MAY isang bagitong writer na bilib na bilib sa kanyang sarili na siya ay mahusay magsulat. Kaya tuwing nare-reject ang kanyang mga isinusumiteng kuwento sa mga publications ay naiisip niyang hindi lang ito natataypan ng editor. Kahit minsan ay hindi niya inisip ang katotohanan na kaya nare-reject ang kanyang kuwento ay hindi talaga maganda ang kanyang mga isinusulat na kuwento. Ang hinala ng bagitong writer ay nire-reject ang kanyang mga isinulat nang hindi man lang binabasa ng editor porke baguhan pa lang siya.

May naisip siyang paraan kung paano mapatunayan ang kanyang mga hinala. Isang araw ay muli na naman siyang nag-submit ng kuwento sa editor. May lihim siyang ginawa doon sa ibinigay na kuwento upang mapatotohanan ang isang hinala.

Pagkatapos ng ilang araw ay binalikan niya ang editor. Kagaya ng dati ay rejected na naman ang kanyang “obra”. Nang iabot ng editor ang kopya ng kanyang isinumiteng kuwento ay tiningnan niya ang page 9 and 10 na kinabitan niya ng staple wire. Hindi inalis ang staple wire kaya magkadikit pa rin ang page 9 and 10. Aha! Napatunayan niyang totoo ang kanyang hinala na basta na lang nire-reject ang kanyang kuwento nang hindi man lang ito binabasa ng editor. Kung totoong binasa ng editor ang kanyang kuwento, dapat ay tinanggal nito ang staple wire na nagdidikit sa page 9 and 10.

“ Unfair po kayo Sir…” sumbat ng bagitong writer sa editor at sinabi nito ang tungkol sa magkadikit na page 9 and 10.

“Alam mo, ‘yang mga kuwentong isinusumite ng mga writers ay parang pagkain na nasa lunch box. Pagbukas mo pa lang ng takip ay malalaman mo na kaagad kung anong klaseng pagkain ang laman nito sa pamamagitan pa lang ng amoy nito. Kung sa pagbukas mo pa lang ng takip ay amoy panis na ang pagkain, siyempre hindi mo na ito titikman at ang tendency ay itapon na ito. Ganoon din ang iyong kuwento. Unang paragraph pa lang ay “naaamoy ko nang panis ito” kaya bakit ko pa paabutin ang pagbabasa hanggang sa page 10?”

 

Show comments