SA Hillsboro, Oregon ay matatagpuan ang isang pambihirang tanawin na hindi aakalaing makikita sa isang kakahuyan. Makikita kasi rito ang isang malaking eroplano na animo’y nag-landing sa gitna ng mga pine trees.
Ang eroplano ay isang lumang Boeing 727 at pag-aari ni Bruce Campbell, isang 64-anyos na dating electrical engineer. Siya ang nakatira sa eroplano.
Matagal nang nabili ni Bruce ang lupang kinatitirikan ng kanyang bahay na eroplano pero noong una ay mga container van lang ang plano niyang gawing bahay sa kanyang 10 ektarÂyang lote. Nagbago ang kanyang isip at napagpasyahan niya na bumili ng isang lumang eroplano para gawing tahanan nang marinig niya na isang taga-Mississipi ang bumili ng isang lumang eroplano para gawing tahanan.
Mula noon, naging isa na si Bruce sa iilan sa buong mundo na naglalayong magligtas ng mga lumang eroplano mula sa pagiging scrap metal sa mga junk shop.
Gumastos si Bruce ng $220,000 (P10 milyon) sa pagbili ng lumang Boeing 727. Marami pa siyang nagastos at naubos na oras sa pag-aayos ng lumang Boeing 727 para magmukhang tahanan.
Simple lang ang pamumuhay ni Bruce sa loob ng kanyang eroplano. May isa siyang kutson para sa kanyang tulugan at mayroon ding ilang appliances katulad ng microwave at toaster. Naglagay siya ng shower para sa kanyang paliligo dahil karaniwan na walang shower ang mga eroplano.
Pinaplano ni Bruce na bumili ng isa pang eroplano para gawin ding tirahan. Sa pagkakataong ito, Boeing 747 naman ang bibilhin niya. Mas malaki ito kaysa eroplano niya ngayon.