Baliktad na bahay sa Austria, patok sa mga turista!

ISANG bahay na animo’y nakataob ang nagiging popular na destinasyon ng mga turista sa Austria. Idinisen­yo ang bahay ng dalawang arkitekto mula Poland na sina Irek Glowacki at Marek Rozhanski. Sadyang itinayo ang kakaibang bahay upang maging pasyalan para sa publiko at inatasan ang dalawang arkitekto na magdisenyo ng isang gusali na magsisilbing tourist attraction para sa bayan ng Terfens.

Tumagal din ng walong buwan ang pagdidisenyo ng kakaibang gusali. Bagamat may katagalan ang pagdididisenyo, hindi na ito magiging kataka-taka para sa sinumang nakadalaw na at naging saksi sa pagiging detalyado ng baliktad na bahay. Hindi kasi natatapos sa panlabas na anyo ang pagiging baliktad ng bahay dahil hanggang sa loob nito ay baliktad din ang lahat ng kagamitan.

Marami nang bahay na baliktad ang ginawa na ginawang pasyalan din ngunit naiiba ang baliktad na bahay sa Austria dahil mararamdaman ng mga bumibisita na totoong bahay ang pinapasok nila. Hindi katulad ng ibang baliktad na bahay na halatang idinikit lang sa kisame ang mga kagamitang pambahay upang magmukhang baliktad din ang loob, natural ang pagkakaayos ng mga gamit sa loob ng baliktad na bahay katulad ng mga nakakalat na laruan kaya aakalain mong may nakatira nga sa loob nito.

Kahit isa lamang tourist attraction ang baliktad na bahay, kumpleto ito sa iba’t ibang kuwarto at kagamitan. Iisipin na may nakatirang bata sa baliktad na bahay dahil may isang silid tulugan na punumpuno ng mga disenyong pambata. May sari-ling garahe rin ang baliktad na bahay at kumpleto ito sa lahat ng kagamitan – kasama na ang isang replica ng isang  tunay na Volkswagen Beetle na  naka-park nang pabaliktad sa loob nito.

Sa ngayon, dinadagsa na ng mga turista ang bahay at usong-uso sa mga ito ang magpakuha ng litrato na animo’y nakasabit sila sa kisame ng bahay na parang si Spider-Man.

Show comments