Libreng WiFi sa MM

Meron palang nakasalang na panukalang-batas sa Senado na mag-oobliga sa pamahalaan na magpakabit ng libreng wireless internet sa mga gusali ng pamahalaan, national highway, train station at iba pang mga pampublikong lugar sa Metro Manila.

Nagkaroon nga ng pagdinig sa science and technology committee ng Senado  noong nakaraanng linggo hinggil sa naturang panukala. Nagsalita rito si Louis Casambre, executive director ng information and communications technology office ng Department of Science and Technology.

Sinabi ni Casambre sa pagdinig na sa loob ng isang taon ay maaaring makapagpakabit ang pamahalaan ng libreng WiFi connection sa kalakhang Maynila kung mapaglalaanan ito ng sapat na pondo.

Posible anyang maipatupad ang panukalang libreng wireless connection sa mga publikong lugar.  Meron na kasing broadband infrastructure sa Metro Manila na inilaan na ng mga telecommunication companies kaya magkakaroon lang ng gastusin sa operasyon at hindi sa pamumuhunan.

Idiniin niya na lubhang kailangan sa paglago ng ekonomiya ang paglalaan ng librenng WiFi sa Metro Manila. Batay sa isang pag-aaral ng World Bank, lumalaki nang 1.23 porsiyento ang gross domestic product ng isang bansa sa bawat 10 porsiyentong  paglaki ng broadband penetration.

Malaking bagay itong libreng WiFi sa mga pampublikong lugar lalo na para sa ordinaryong mamamayan na walang kakayahang kumuha ng mga postpaid services (iyong binabayaran nang buwan-buwan) para magkaroon ng kuneksyon sa internet. Kung hindi kasi postpaid, hindi pa rin basta makakapagbukas ng internet sa iyong laptop, tablet o iPad o mobile phone o ibang devices kahit pa meron itong WiFi kung nasa isang WiFi zone ka pero password-protected naman ito.  Kaya nga isa sa nagiging offer ng ilang malalaking negosyo tulad ng mga hotel at shopping malls ang libreng WiFi at maging sa mga pampasaherong airconditiioned na bus para makaakit ng mas maraming parukyano na kailangang laging “connected.” Ginagawa na rin sa ibang mga bansa ang pagkakabit ng libreng WiFi sa mga pampublikong lugar.   Sana nga, makalusot ang panukala. May tatlong taon pa itong tsansa sa Kongreso.

 

 

 

Show comments