EDITORYAL - VIP sa Munti

HINDI pa pala nababasag ang mga Very Important Prisoner (VIP) sa National Bilibid Prison (NBP). Akala nang marami mula nang mabuking ang ginagawa ng paroladong dating Batangas governor Antonio Leviste na pamamasyal at pagbisita sa kanyang building sa Makati habang nakakulong ay natuldukan na ang ganitong masamang gawain. Akala nang marami, wala nang Very Important Prisoner sa NBP. Meron pa pala at mas matindi pa ngayon.

Hindi pa nasusugpo ang kakaibang pagtrato sa mga maiimpluwensiya o mga high profile na bilanggo. Patuloy pa rin ang katiwalian sa pambansang bilangguan basta may ibabayad ang inmates. Lahat nang gusto nang maimpluwensiyang inmates ay makukuha niya. Pera lamang ang pantapal sa mga corrupt na opisyal at jailguards sa NBP.

Halimbawa ay ang pagpapagamot ng isang inmate sa pribadong ospital sa Maynila. Inilabas ng NBP ang drug lord at lider ng Sigue-Sigue Sputnik na si Ricardo Camata. May sakit umano sa baga si Camata kaya inilabas ng NBP at dinala sa isang ospital sa Maynila kahit walang permiso mula sa mga nakatataas. Ang matindi, habang naka-confine sa pribadong ospital si Camata, dinalaw siya ng tatlong babae. Isa sa mga babae ay starlet at ang dalawa ay mga dancer sa club.

Bukod kay Camata, nakakalabas din sa NBP at dinala rin sa ospital ang ang convicted bank robber na si Herbert Colanco at drug lord na si Amin Buratong. Napabalita rin na maging ang convicted killer na si Rolito Go ay nakalalabas din at nagpapaospital. Dahil sa pangyayari, agad sinibak ang NBP chief at 12 jailguards.

Matagal na ang ganitong kalakaran sa NBP. Talamak ang katiwalian dito at ganundin ang paglaganap ng shabu. Nangangailangan ang top to bottom na pagpapalit ng mga kawatang opisyal at tauhan sa NBP. Dapat namang pakinggan ang kahilingang ilipat na ang NBP sa isang isla.

 

Show comments