MAY isang anak na gustong magregalo sa kanyang ina ng “something unique†sa Araw ng mga Ina. Nagkataon may nabasa siyang announcement sa Yahoo Philippines na tumatanggap sila ng artikulo tungkol sa mga ina sa buong buwan ng May. Naisip niya na ito ang magandang pagkakataon upang bigyan niya ng parangal ang kanyang ina sa pamamagitan ng paglikha ng isang sanaysay tungkol sa kanya. Ilang gabi rin pinagpuyatan ng anak ang pagsulat ng sanaysay. English kasi. Nose bleed talaga. Mas sanay ang anak sa pagsusulat sa wikang Filipino.
Bukod sa alam niyang ikaliligaya ng kanyang ina na mai-feature siya sa Yahoo Philippines, naisip ng anak na ito na ang tamang panahon upang papurihan ang kanyang ina. Ayaw ng anak na kung kailan wala nang buhay ang isang magulang at nakahiga sa isang wooden or metal box ay saka ito pauulanan ng papuri sa Eulogy. Nais ng anak na papurihan ang ina habang naririnig niya at nadadama ang walang hanggang pasasalamat ng kanyang anak sa mga kabutihang nagawa niya bilang ina.
Tuwang-tuwa ang anak nang lumabas sa Yahoo Philippines ang sanaysay niya tungkol sa ina isang araw ng May 2014. Agad itong nabasa ng ina na naninirahan sa ibang bansa. Hindi mailarawan ng anak ang kaligayahan sa boses ng kanyang ina habang nag-uusap sila sa telepono. Nalaman ng ina ang tungkol sa artikulo dahil sa kanyang apo na kapisan niya sa bahay. Malay ba niyang magbukas ng internet. Ang anak naman ay napaluha nang magsalita ang ina ng: Anak salamat sa sinulat mo, ha?
Pero makalipas ang isang oras inulan na ng comment ang artikulo. Halo-halo. May positive, may negative. Sa isang oras na iyon, mas marami ang negatibo. Sa mga hindi pamilyar, ang tawag sa mga taong nagbibigay ng negatibong comment sa mga artikulong lumalabas sa internet ay basher, troll, hater. Ang sanaysay ay hindi tungkol sa artista o pulitikong nagnakaw ng pondo ng bayan pero nakaakit ito ng maraming bashers. Isang simpleng pamumuri sa inang masipag maghanapbuhay ang nilalaman ng sanaysay. Pero galit na galit ang bashers: Mayabang ang writer; bobo ang writer; para yun lang, mas magaling pa ang nanay ko diyan! Nabanggit sa sanaysay na pulis ang ama ng writer. Pati ang amang matagal nang pumanaw ay hindi nakaligtas sa bashers. Nabanggit lang na pulis ang ama, bininyagan kaagad na Kotong Cop ito. Dito na nasaktan ang ina. Ganoon daw pala sa internet. Malupit. Walang modo. Sa kabila ng maraming negatibong comment, hindi ito pinatulan ng writer. Para mo na ring pinaligaya ang bashers kung ipapakita mong affected ka. Kaya wala lang. Dedma.
Umabot ng 90 comments sa third day ng publication ang isang sanaysay na hindi kilalang tao ang subject. Bago pa makaisip ang bashers ng masamang salitang ikakabit sa pamilya ng writer, ipina-delete nito sa Yahoo Philippines ang buong artikulo. Natupad ito sa ika-apat na araw ng publication. Nagbiro ang anak sa ina: Nanay, gusto mo sulatin ko naman ang buhay ni Tatay sa Yahoo sa Father’s Day? Sagot sa akin: Sa puso mo na lang isulat ang pagmamahal mo sa amin. At least doon, walang bashers. Napatawa ang anak. Uy, alam na ni Nanay ang bashers.