Habit

NOONG nasa kolehiyo ako, isang kaibigan ang nagbigay sa akin ng purple na baller band. Iyon daw ang Complaint-Free World bracelet, isang baller na magpapaalala na itigil ang pagre­reklamo. Aniya, kailangan ang 21 araw upang mabuo at masira ang isang bagay na nakasanayan mo na. Sa tuwing magrereklamo ako noon, ililipat ko sa kabilang braso ang bracelet at back to day 1 na naman ako ng pagbilang. Sayang nga lang at wala nang ganoong bracelet ngayon.

Paano nabubuo at naiwawaksi ang good at bad habits?

Sa aklat na The Power of Habit ni Charles Duhigg, may psychological pattern na tinatawag na “habit loop,” na binubuo ng tatlong hakbang --- cue, routine at reward.

Ang cue ang nagdidikta sa utak na mag-automatic mode at magsimula ng isang behavior.

Ang routine ang mismong behavior o ang naiisip natin kapag naiisip ang salitang habit.

Ang reward ang gusto ng utak at naaalala, ito ang napapala mula sa behavior kaya ito inuulit at nagiging habit. Kapag inulit-ulit ang isang bagay, doon nagiging habit. 

Subalit kapag nagiging otomatiko ang isang ugali, ang bahagi ng utak na responsable sa paggawa ng desisyon ay para bang nasa sleep mode. At nababawasan pa lalo ang paggamit ng utak dahil nagiging auto-response na ang habit. Ito ang resulta kung bakit minsan kahit may kausap sa telepono at nagda-drive papunta sa trabaho o school na araw-araw pinupuntahan ay hindi naliligaw dahil automatic na. Kaya madali nang magpokus sa pakikipag-usap sa telepono o pagda-drive.

Kailan pinakaepektibong magsimula o magwaksi ng habit? Kapag nakabakasyon. Dahil naiba ang cues ay naiiba rin ang routine, nababago ang patterns. Kaya nakaka-relax magbakasyon dahil biglang iba ang gawain at maging ang pagkakasunud-sunod ng mga ito.

Naisip kong talakayin ang habit ngayon dahil nasa kalagitnaan na tayo ng taon. Anim na buwan na ang nakalipas mula nang nagsimula ang 2014. Anu-anong habits ang nabuo at gustong ipagpatuloy o itigil? Ngayong halfway na sa taon, baka maaaring ire-evaluate at balikan ang buhay base sa mga nakagawian at simulang baguhin ang mga nais na bagay.

Show comments