ISANG toreng gawa sa mga piraso ng Lego ang itinala ng Guinness Book of World Records bilang pinakamataas na tore sa mundo.
Ang tore, na may taas na 118 feet, ay nakumpleto noong nakaraang Linggo at ipinahayag na pinakamataas sa mundo matapos puntahan at i-tsek ng mga taga-Guinness. Pagkatapos masiguro ang taas, idineklara ito ng mga opisyal ng Guinness bilang pinakamataas na tore na gawa sa magkakadikit na laruang plastic. Inilagay ang nasabing world record sa opisyal na talaan ng Guinness noong Mayo 25.
Binuo ang tore ng mga estudyante sa elementarya. Kinailangan ng mga bata ng libu-libong piraso ng Lego para sa tore. Itinayo nila ito sa harap ng St. Stephen’s Basilica sa Budapest.
Tinalo ng tore sa Hungary ang isa pang tore na gawa rin sa Lego na binuo ng rin ng mga estudyante sa United States noong nakaraang taon. Ginawa ang tore sa Dickinson High School sa Delaware at may taas na 113 feet.
Hindi lang tungkol sa Lego ang tore dahil mayroon din itong mga imahe na nagpapakita ng mga karakter ng mga sikat na video games katulad ni Pac-Man. Inilagay din sa pinakatuktok ng tore ang Rubik’s Cube, na isang laruan na nauso noong dekada 70. Pinili ang Rubik’s Cube na ilagay sa tuktok ng tore dahil ito ay naimbento ng Hungarian na si Erno Rubik at naging sikat na produkto ng Hungary.
Eksakto namang nakumpleto ang tore sa mismong araw kung kailan ipinagdiriwang ng Children’s Day sa Hungary.
Plano ng lokal na pamahalaan na panatilihing nakatayo ang tore ng ilang linggo bago unti-unting paghiwalayin ang libu-libong piraso nito.