S A Lunes ay umpisa na ng pasok sa mga pampublikong paaralan. At asahan nang mayroon pa ring magdaraos ng klase sa lobby, o di kaya’y sa gymnasium at kung mamalasin ay baka sa ilalim ng punong kahoy. Walang ipinagkaiba sa mga nakaraang pasukan na laging problema ang kakapusan sa silid-aralan. Nakapagtataka naman na laging nagpapahayag ang Malacañang at ang Department of Education (DepEd) na hindi na kakapusin sa silid-aralan. Wala raw magiging problema ngayong school year 2014-2015 sapagkat nakahanda na ang mga silid-aralan sa mga estudyante. Tatanggap daw nang tatanggap ang mga school ng mga estudyante sapagkat sigurado namang mayroong silid-aralan. Pati raw mga silya ay walang magiging problema at tiyak na makakaupo ang mga estudyante.
Pero kung sapat ang mga silid-aralan, bakit kailangan pang imungkahi ng DepEd ang tatlong araw na pasok sa loob ng isang linggo. Ayon sa DepEd ito raw ay para maiwasan ang overcrowding. Ayon sa DepEd ang magiging pasok ay Lunes, Miyerkules at Biyernes at saka Martes, Huwebes at Sabado mula 6:00 a.m. hanggang 6:00 p.m. Pero ipinaliwanag ng DepEd, na hindi lahat ng school ay apektado ng tatlong araw na pasok. Mga piling school lamang daw sa Metro Manila ang isasailalim sa plano at ito raw ay para maiwasan ang pagsisiksikan sa silid-aralan.
Ang planong ito ay taliwas sa sinasabi ng DepEd na walang kakulangan sa mga silid-aralan. Bakit pa gagawing tatlong araw sa isang linggo ang pasok kung mayroon namang silid para sa mga estudyante. Hindi maganda ang tatlong araw na pasok sapagkat masyadong malaki ang agwat ng mga araw. Mas mabuti na ang araw-araw na double-shifting. Hindi rin aabutin ng gabi sa kalye ang mga bata. Huwag nang ituloy ang 3-day school week.