^

Punto Mo

‘Humawang tinta’

- Tony Calvento - Pang-masa

KAPAG ikaw ay merong hindi naintindihan walang masamang magtanong sa taong dalubhasa rito. Kung ika’y may karamdaman magpatingin ka sa doktor, kapag masakit ang ngipin mo sa dentista ka naman magpunta at kapag ang pinag-uusapan ay mga dokumentong ligal walang ibang makapagbibigay sa ’yo ng magandang payo kundi mga abogado. Sa isang maling lagda maaaring mawala at makuha ang lahat sa ’yo.

“Tinanong ako ng dad ko bakit mo pinirmahan? Sabi ko ikaw ang naunang pumirma ginaya lang kita,” kwento ni Karl. Isang pirma sa dokumento ang naging dahilan ng problema ngayon ni Karl Pfeifer, 34-taong gulang. Kasama niya ang kanyang inang si Remedios Ganados o “Remy”, 62, nang magtungo sa aming tanggapan. Isang tingin, mababanaag na siya’y hindi purong Pilipino. Mestizo siya dahil nga German ang kanyang ama. “Disinuwebe si Karl nung papirmahin siya ni Pacita ng mga dokumento. Ngayon nawala sa kanya ang kalahati ng kanyang ari-arian,” simula ni Remy. Kwento ni Remy, nakilala niya ang ama ni Karl na si Horst Karl Pfeifer sa Cebu dahil sa isang kaibigan na may asawang Canadian. Hindi raw ito nanligaw sa kanya at binisita lang siya sa kanilang bahay sa Cordova, Lapu-lapu. “Mabait siya at gustung-gusto ng magulang ko kaya ayos lang sa kanila na sumama ako,” ayon kay Remy. Aminado si Remy na away-bati sila nitong si Horst ngunit muli siyang sinusuyo kaya’t nagkakaayos din. “Kapag nag-aaway kami umuuwi ako ng Cebu tapos sa La Union naman siya. Ayoko kasi doon dahil malayo sa bayan,” salaysay ni Remy. Nalaman na lamang ni Remy na may biniling 2,469 sqm na lupa sa La Union si Horst sa pangalan ng kanyang anak na si Karl. “Beach side yun. Dun ko unang nakilala si Pacita Gurion. Tinitingnan niya ako ng masama nung magkaharap kami,” pahayag ni Remy. “Don’t get angry to my wife. You’re only my housemaid,” sabi umano ni Horst nang mapansin ang ikinikilos ni Pacita. Nagtaka si Remy kung bakit galit sa kanya si Pacita gayung ngayon lang sila nagkaharap. Hindi man sila kasal siya naman ang itinuturing na asawa ni Horst. Hiniling ni Horst kay Remy na dun na siya tumira para magkasama na sila pero hindi komportable si Remy sa presensiya ni Pacita. “Narinig ko na lang na ang akala ng mga kapitbahay doon si Pacita ang asawa ni Horst,” sabi ni Remy. Isang araw nang lumabas ng bahay si Remy dahil hinahanap niya ang anak bigla na lang siyang tinutukan umano ng baril ni Pacita. Wala nang mga panahong yun si Horst. “Alis ka dito! Ngayon din. Alis!” sabi umano ni Pacita. Nakita ni Pacita na tinitingnan ni Remy si Karl kaya’t inilayo ito sa kanya. Walang nagawa si Remy kundi umalis at napilitang iwan ang anak. Mula nun bihira niya nang makausap si Karl dahil marami umanong tauhan si Pacita at inilalayo ito sa kanya. “Nung 1984 dun ko lang talaga nakasama ang anak ko,” pahayag ni Remy. Si Karl ay nahilig sa ‘surfing’ dahil na rin sa beach resort na pag-aari nila. Naging ‘ramp model’ din siya ng ilang produkto. “Noong 1996 nag-champion ako sa artificial wave competition,” kwento ni Karl. Hindi natapos ni Karl ang kursong kanyang kinuha dahil naging abala siya sa nakahiligang sport. Sa kanya naman nakapangalan ang resort ngunit nang tumuntong siya ng labing-siyam na taong gulang ay inaaraw-araw na siya ni Pacita. “Gusto niyang pirmahan ko yung ‘Deed of Donation’. Ayaw ko dahil ang sabi ng Dad ko huwag daw,” salaysay ni Karl. Sa kulit ni Pacita, habang lasing ang kanyang ama ay napapirma niya ito sa mga dokumento. Nakita ni Karl ang ginawa ng ama kaya ginaya niya ito kahit hindi nauunawaan ang ibig sabihin ng pi­pirmahan. “Kinabukasan nagsisihan na kami kung bakit ako pumirma. Ginaya ko lang naman siya,” wika ni Karl. Si Karl pa rin ang kinikilalang may-ari ng beach resort hanggang sa mamatay ang kanyang ama noong 2004. Mula nang mawala ang ama kinukulit na umano siya ni Pacita na pirmahan ang isa pang dokumento upang maging pinal ang paghahati nila ng kanyang kapatid. Pinaupahan din nila ang kalahati ng beach resort. Ang kasalukuyang kontrata ng pag-upa ay nasa pagitan nina Karl at ng Best Properties, Inc. na kinakatawan ni Gloria E. Dulay. Mula ito Enero 15, 2013 hanggang June 15, 2036. “Nung Enero 2013 nagsimula ang upa sa Php20,000. Bawat taon tataas ng limang libo,” pahayag ni Remy. Sa kanilang mag-ina napupunta ang upa kada buwan. Silang mag-ina lang ang nagtutulungan sa ngayon dahil wala pang asawa si Karl. Aminado rin siya na gumagamit siya noon ng ipinagbabawal na gamot. “Wala kasing asawa ang Mom ko kaya hindi ako nag-asawa. Siguro kung meron siya mag-aasawa na rin ako,” kwento ni Karl. Minsan may nakilala siyang ‘waitress’ ng kanilang beach resort. “Iniisip ko kung siya na ba mapapangasawa ko. Naisip ko ang sarili ko sa upuan ng dad ko. Sabi ko sa sarili ko hindi naman ako foreigner para maging ganyan ang asawa ko,” salaysay ni Karl. Nang mga panahong yun ay ito lang ang nakakausap niya dahil wala ang kanyang ina. Madalas umano silang mag-away ni Remy dahil kapwa nila hinahanap ang ‘deed of waiver’. “Ngayong kinukuha sa akin ni Pacita ang beach resort wala akong mahi­ngan ng tulong kaya tumawag na ako sa mom ko. Mula Cebu pinuntahan niya ako sa La Union at sinamahan sa opisina n’yo,” wika ni Karl. Nais mabawi nina Karl at Remy ang kalahati ng beach resort na napunta sa kanyang half-brother na si Peter.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00 pm at Sabado 11:00 am-12nn) ang kwentong ito ni Karl at Remy. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung titingnan mo ang tipo ni Karl ay siya yung happy go lucky na tao. Maaaring hindi niya napag-isipang mabuti at sa laki ng tiwala niya sa kanyang ama dahil nakita niyang pumirma ito hindi siya nagdalawang-isip na pumirma na rin. Pinayuhan namin si Karl na bago siya pumirma ng kahit na ano ay ipakita niya muna sa abogado para ito’y maipaliwanag na mabuti sa kanya. Pwede niya rin namang ipakita ito sa amin para maikonsulta namin sa mga abogadong tumutulong ng libre sa aming programa at radyo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

AKO

DAHIL

KARL

LA UNION

NIYA

PACITA

REMY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with