ISANG pusa sa Japan ang nagawang makabalik sa kanyang mga amo matapos mawalay sa mga ito dahil sa tsunami na tumama sa Japan noong 2011.
Ang pusa na nagngangalang Suika ay pagmamay-ari ng mag-asawang Yamagishi at Takeo Kazuko na naninirahan sa Iwate Prefecture, isang lugar na malubhang tinamaan ng tsunami. Nakaligtas ang mag-asawa sa sakuna ngunit hindi na nila nakita ang alagang si Suika matapos ang tsunami. Tatlong buwan nilang hinanap si Suika bago sila sumuko sa pag-aakalang hindi na ito makikita.
Subalit noong nakaraang Abril 10, may nakakita kay Suika na pagala-gala sa isang kakahuyan malapit sa bayan ng kanyang mga amo. Kinuha ang pusa at dinala sa isang health center sa pagbabakasakaling may mag-angkin dito. Matapos ng ilang araw na walang umaako sa pusa ay nagpasya na ang mga namamahala ng tanggapan na magpaanunsyo sa mga diyaryo upang matagpuan ang mga nagmamay-ari sa hayop.
Napansin naman ng isa sa mga nag-aalaga kay Suika na may pangalang nakalagay sa collar na nakasuot dito. Pangalan pala ng amo ng pusa na si Yamagishi Kazuko ang nakasulat sa collar. Iyon ang naging daan para mahanap ang mga amo ni Suika.
Tuwang-tuwa ang mag-asawang Kazuko nang makitang muli ang alagang si Suika. Para raw panaginip ang muli nilang pagkikita. Hindi nila inaasahang nakaligtas ito sa matinding baha.
Pinaniniwalaan namang may ibang nag-alaga kay Suika nang ito ay mawalay sa mga Kazuko dahil sa maliit na bell na suot-suot nito na hindi naman niya dating suot bago nangyari ang tsunami. MaÂaaring kinupkop si Suika ng ibang tao pagkatapos tumama ang tsunami ngunit tumakas din ito at natagpuan naman ng mga nagtratrabaho sa health center sa kakahuyan.