BUMALIK si Ayano Tsukimi, 64-anyos na Haponesa, sa Nagoro, Japan upang doon na ulit manirahan. Ngunit nanibago siya sa Nagoro dahil halos wala nang taong nakatira sa maliit na bayan na kanyang nilakhan. Kung dati ay malaki pa ang populasyon nito, ngayon ay hindi na lalampas sa 50 ang mga residente na nakatira dito dahil ang iba ay lumipat na ng tirahan dahil sa kawalan ng trabaho.
Mag-isa lang na nakatira sa Nagoro si Ayano dahil ang kanyang asawa at mga anak ay nagtatrabaho sa Osaka. Dahil sa kalungkutan dahil sa kawalan ng mga taong nakakasalamuha, ginawa ni Ayano na isang bayan ng mga manika ang Nagoro.
Pumasok sa isip ni Ayano na punuin ng mga manika ang Nagoro nang minsang gumawa siya ng isang scarecrow o panakot ng mga ibon. Nagsimula siya sa paggawa ng mga ‘life-sized’ na manika na kahawig ng kanyang mga magulang at mga kapatid. Hindi siya tumigil sa mga ito at pagkaraan ng 10 taon na paggawa ng mga manika, umabot sa 350 ang kanyang nagawa.
Lahat ng mga manikang ginawa ni Ayano ay nakakalat sa buong Nagoro na parang mga totoong residente. Nariyan ang mga manika na aakalaing estudyante na nasa abandonadong eskuwelahan ng Nagoro. Gumawa rin siya ng iba’t ibang manika na gumagawa ng iba’t ibang trabaho katulad ng pangingisda at pagsasaka. Kahit si Ayano ay may sariling manika na kamukha niya na nasa bahay niya.
Mayroon namang mga natatakot pumunta sa Nagoro dahil sa kakaibang mga residente nito. Naiintindihan naman ni Ayano ang takot ng ibang tao sa kanyang mga manika dahil ayon sa kanya, sinadya niya talagang gawing makatotohanan ang itsura ng mga ito.
Gayunpaman, dinadayo na ngayon ang Nagoro ng mga turistang gustong magpalitrato kasama ang mga manikang likha ni Ayano.