EDITORYAL - Sibak na si Vitangcol, mabago na kaya ang MRT?
INALIS na kahapon sa puwesto bilang general manager ng Metro Rail Transit (MRT) si Al Vitangcol. Wala pang inihahayag na kapalit kay Vitangcol na inaÂakusahang nang-eextort ng P30 million sa Czech train maker Inekon kapalit ng kontrata na makapagsuplay ng coaches sa MRT.
Mabilis na kumalat ang pagsibak kay Vitangcol at marami ang nasiyahan sapagkat maaaring magkaroon na ng pagbabago sa MRT. Maraming bumabatikos kay Vitangcol na hindi ito marunong mag-managed at hindi nakapokus sa tungkulin. Ayon pa sa iba, mas nakapokus ito sa corruption. Marami pa umanong mahuhuhusay na maaaring ilagay sa MRT. Kailangan daw ay yung mahusay sa technical aspect ang dapat na MRT at LRT manager. Kapos na kapos umano sa karunungan si Vitangcol.
Nararapat mag-isip nang matagal ang Malacañang bago kumuha nang kapalit ni Vitangcol. Hindi dapat padalus-dalos para hindi na maulit ang pagkakamali. Nagkamali na sa paglalagay kay Vitangcol kaya sa pagkakataong ito, suriing mabuti ang ilalagay na MRT manager. Siguruhing marunong mag-manage at may sapat na kaalaman sa operasyon ng MRT. Pumili rin ng taong hindi masasangkot sa anumang katiwalian. I-background check muna bago ilagay sa puwesto at baka may dungis na naman ang maiupo.
Maraming MRT commuters ang umaangal sa sobrang haba ng pila sa maraming stations. Sa North EDSA station, isang kilometro ang haba ng pila at halos magtulakan sa pagsakay sa tren. Kulang na kulang ang coaches. Bukod sa kulang na coaches, problema rin ang mga tumitirik na tren habang nasa kalagitnaan ng biyahe. Napipilitang bumaba at maglakad ang mga pasahero. Mayroong mga drayber o operator na pabigla-biglang magpreno na nagiging dahilan ng pagsubsob at pagkadapa ng mga pasahero na nagdudulot ng galos at pasa sa braso at tuhod.
Ngayong wala nang sagabal sa MRT, umpisahan na ang pagbabago. Patikimin naman nang maayos na biyahe ang libu-libong MRT commuters.
- Latest