DAPAT mamulat ang pamahalaan sa katotohanang matindi na ang problema ng illegal na droga sa bansa. Sa kabila na sinasabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na “napilay†na nila ang mga malalaking sindikato ng droga, hindi ito kapani-paniwala. Kung “napilay†bakit dagsa pa rin ang illegal na droga, particular ang shabu. Bakit marami pa ring suplay? Hindi kaya ang mga nakukumpiskang shabu ay niri-recycle at ibinabalik sa kalye?
Ang paggamit ng shabu ang naghahatid nang malalagim na krimen. Isang halimbawa ay ang ama na pumatay ng sariling anak at pagkatapos ay kinunan ito ng picture at ginawang profile picture ng Facebook account. Sinaksak umano habang natutulog ang pitong taong gulang na anak na babae. Ayon sa report, bago ang karumal-dumal na krimen, nag-away ang lalaki at kanyang asawa na nasa Canada. Pinauuwi umano ng lalaki ang kanyang asawa pero tumanggi ang babae. Nagbanta ang lalaki na papatayin ang anak kapag hindi umuwi. Ginawa nga ang banta. Nadakip ang lalaki at inamin na nag-shabu siya kaya nagawa ang krimen.
Nag-shabu rin ang dalawang magkapatid na traysikel drayber kaya ginahasa at pinatay ang isang UST graduate sa Molino, Bacoor, Cavite noong nakaraang taon. Ayon sa report, bumili ang biktima ng kakanin at ang traysikel ng magkapatid ang kanyang sinak-yan. Sa halip na sa bahay ito ihatid, sa isang kubo sa gitna ng bukid ito dinala at doon ginahasa at pinatay.
Marami pang krimen na iniuugnay ang paggamit ng shabu. Maski sa mga liblib na lugar sa bansa ay laganap ang shabu at ginagawang halimaw hindi lamang ang mga kabataan kundi pati ang mga may edad na. Maramimg propesyunal ang lulong sa shabu --- may artista, basketball player, pulis, at maski pulitiko – at marami na sa kanila ang nasira ang buhay at kinabukasan.
Ayon sa Dangerous Drug Board (DDB) tinatayang 1.7 milyong Pinoys ang gumagamit ng illegal drugs at shabu ang kinahuhumalingan. Madaling bilhin ang shabu. Parang kendi na lang ito na nabibili sa kalye.
Kumilos pa ang PDEA laban sa sindikato ng droga. Durugin ang mga ito upang mabawasan ang paglaganap ng krimen.