Bisikleta, nilamon ng puno sa Amerika
ISANG kinakalawang na bisikleta ang nakitang nakabaon sa katawan ng isang malaking puno sa bayan ng Vashon sa Washington DC. Nakalutang sa ere ang magkabilang dulo ng bisikleta habang ang gitnang parte nito ay nakabaon sa puno kaya kung titingnan ay parang sakmal-sakmal ng puno ang bisikleta.
Tinatayang 1910 pa yari ang bisikleta kaya maaring napa-katagal na nang lamunin ito ng puno.
Walang nakaaalam kung paano talaga nilamon ng puno ang bisikleta ngunit may mga haka-haka tungkol dito. May nagsasabing isang lalaki ang nag-iwan ng bisikleta sa may puno ngunit hindi na ito nabalikan matapos sumabak ang lalaki sa giyera. Sa tagal ng pagkakasandal ng bisikleta sa puno ay unti-unti na itong hinigop ng puno patungo sa katawan nito.
Ang lokal na sheriff ng bayan ng Vashon na si Don Puz ang nagpapatunay sa paliwanag na ito, at ayon sa kanya, siya ang lalaking dating nagmamay-ari ng bisikleta na iniwan niya sa tabi ng puno noong 1954.
Wala namang makapagsabi kung totoo ang kuwento ni Don at marami ang naniniwala na gawa-gawa lamang ang mga sabi-sabing nilamon ng puno ang bisikleta. Para kasi sa mga nagdududa, imposible na hinigop ng puno ang bisikleta dahil lamang sa matagal nitong pagkakasandal sa puno. Sa parteng tuktok kasi nagsisimula ang paglaki ng isang puno kaya walang katuturan ang paliwanag na hinigop ng katawan ng puno ang bisikleta kaya ito ay bumaon dito.
Ayon sa mga eksperto, maaaring maliit pa lamang ang puno nang iwan ang bisikleta at unti-unti nitong tinangay o nilamon ang bisikleta habang lumalaki.
Ano pa man ang eksplanasyon sa kakaibang tanawin na ito, pangunahing atraksyon ang bisikleta at puno sa Vashon. Maraming turista ang dumadayo rito.
- Latest