MAIHAHAMBING ang kalagayan nina Janet Lim Napoles, “utak†ng pork barrel scam at si Andrea Rosal, anak ni Ka Roger at opisyal umano ng NPA na parehong nasa kostudiya ng gobyerno.
Parehong nakakulong sina Rosal at Napoles pero magkaiba ang kani-kanilang kaso at tila magkaiba rin ang trato sa mga ito ng gobyerno. Si Napoles ay bilyong piso raw ang nakulimbat. Si Rosal naman ay may prinsipyong ipinaglalaban sa gobyerno.
Dapat maging pantay ang trato ng gobyerno sa mga nasa kostudiya nito pero batay sa mga pangyayari, mas masarap ang buhay at VIP treatment si Napoles. Sumailalim siya sa operasyon at mahigit isang buwan sa Ospital ng Maynila at espesyal ang pinagkukulungan sa Fort Sto. Domingo sa Laguna.
Si Rosal naman ay buntis nang maaresto pero may reklamo ang kanilang grupo na hindi ito nabigyan ng makataong trato. Hindi man lang dinala sa ospital para makapagpa-checkup at mabantayan ang pagbubuntis at panganganak. Masaklap ang sinapit ni Rosal dahil namatay ang kanyang unang anak at ngayon ay naghuhugas kamay ang otoridad na may kostudiya rito.
Parehong may kinakaharap na kaso sina Napoles at Rosal pero tila magkaiba lang ang trato sa kanila. Sa paningin ng publiko, ang mga nananamantala at nagnanakaw sa bayan ang may maayos na trato.
Hindi na kailangan pang imbestigahan ng senado ang usaping ito tulad ng hirit ni Sen. Pia Cayetano dahil magpapasiklaban lang naman ang mga senador sa isyung ito. Ang gawin ay sitahin at parusahan agad ang mga tauhan ng BJMP dahil dapat bago maipasok sa ospital si Rosal ay nakapagpareserba na ito ng kuwarto.
Magsilbi sanang leksiyon ito sa BJMP at iba pang sangay ng gobyerno na sana ay pantay-pantay ang trato sa mga akusado, mayaman man o mahirap.