NAPATUNAYAN na ang pagmamaneho nang lasing ang karaniwang dahilan nang malalagim na aksidente sa kalsada. Dahil sa bisyong ito ng mga drayber, inihuhulog nila sa hukay ang mga kawawang pasahero. Bukod sa pag-inom ng alak, may mga drayber din na nagsa-shabu para raw maÂging matibay sa antok sa mahabang biyahe. Subalit kapahamakan ang dinudulot nito sapagkat hindi lamang ang drayber na addict ang namamatay kundi nagdadamay pa ng ibang tao. Mayroong mga truck driver na inaararo ang mga kabahayan na nag-iiwan nang maraming patay.
Ang pagmamaneho nang lasing ay inaasahang matutuldukan na sa pagpapatupad ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act (Republic Act 10586) sa daÂrating na Hunyo 1. Ang sinumang mahuhuling drayber na lasing sa alak at lango sa droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P20,000.
Magsasagawa ang awtoridad ng random alcohol and drug testing sa mga drayber ng pampublikong sasakyan. Nararapat na makipag-cooperate ang mga transport operators sa mga awtoridad upang masiguro na wala silang drayber na lasing o sabog sa shabu. Ang sinumang operator na hindi makikipag-cooperate ay posibleng makansela ang kanilang prankisa.
Ang implementasyon ng RA 10586 ay nararapat ipatupad nang maayos. Ito ang solusyon sa madalas na aksidenteng nangyayari na kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus at jeepney. Magkaroon nang masusing pag-check sa mga drayber ng pampublikong sasakyan. Nararapat din namang bantayan ang mga pulis o traffic enforcers at baka kotongan lamang ang mahuhuling senglot na drayber. Baka magkaaregluhan lamang gaya nang mga lumalabag sa trapiko.