GUTOM…pang-aabuso at pagmaltrato…Kapag tumakas ka dahil di mo na makayanan, kaso naman ang isasampa sa iyo.
“Nahirapan ako sa pagtatrabaho pero ni isang kusing wala silang iniabot na bayad sa akin,†hinaing ni Paulo.
Minsan na naming naitampok sa aming pitak ang istorya ng taga Calamba, Pampanga na si Paulo Sadie-31. Pinamagatan namin itong ‘Bulldozer ang binangga’.
Unang nagtungo sa aming tanggapan ang ina ni Paulo na si Benita-59 upang humingi ng tulong para sa kanyang anak na nagtatrabaho sa Riyadh. Salaysay ni Benita tumakas sa employer niyang si Al Jazeera, si Paulo dahil pinagalitan at pinagbintangan umano ito sa pagkakasira ng bulldozer. Talagang bibigay na raw ito at natapat lamang na ang kanyang anak ang nag-ooperate.
“Nahihirapan ang anak ko doon. Ang pagkain niya hinihingi lang sa kapwa Pilipino dahil hindi ibinibigay ng employer. Gusto namin umuwi na lang siya kahit walang dalang pera,†pahayag ni Benita.
Kwento pa niya, Hulyo 2013 nang mamalagi sa Runaway Compound sa Riyadh si Paulo. Ang mga kaibigan nito ang nagparating sa kanya ng balita tungkol sa anak. Nabahala si Benita kaya naman naisipan niyang lumapit at humingi ng tulong sa aming tanggapan.
Ipinarating namin kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sitwasyon ni Paulo at in-email namin sa kanya ang lahat ng impormasyon tungkol sa ating kababayan. Agad namang tumugon sa amin ang DFA sa tulong na rin ni Amb. Ezzedin Tago ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh. Nakausap na nila si Paulo at inalam ang kalagayan nito. Hindi tumigil ang DFA sa pagtulong sa kasong ito upang mapauwi ang ating kababayan. Disyembre 13, 2013…muling nakabalik ng Pilipinas si Paulo.
Nagtungo siya sa aming tanggapan at amin siyang itinampok sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn).
“Nagpapasalamat po ako sa inyo at sa DFA na tumulong sa akin para makauwi sa pamilya ko,†masayang sabi ni Paulo.
Kinwento niya rin sa amin ang kanyang pinagdaanan sa Riyadh.
Ika-29 ng Enero nang magtungo si Paulo sa Riyadh. Ang ahensiyang Elbeitam Management Services ang tumulong sa kanya para makahanap ng mapapasukan. ‘Operator’ ng ‘heavy equipment’ ang kanyang magiging trabaho. Tatanggap siya ng 1,500 Riyal kada buwan bilang sweldo at libre ang pagkain.
“Ang usapan namin kada buwan ibibigay ang sahod pero wala siyang iniaabot. Pati pagkain ko wala rin,†salaysay ni Paulo.
Nang masira ang bulldozer na kanyang inooperate noong Marso 2013 ay pinagalitan siya ng kanyang foreman. Sa hirap at gutom na dinanas ni Paulo, tumakas siya sa kanyang employer noong Hulyo 2013. Dumiretso siya sa embahada ng Pilipinas at doon ay binigyan siya ng ‘application form’ para sa kanyang reklamo. Kinailangan niyang maghintay ng kaunti dahil marami sa ating kababayan ang nagpapatulong roon. Nakulong sa Riyadh si Paulo. Kapag dinadalaw siya ng kanyang mga kaibigan ay nakikiusap siyang itext ang kanyang ina at ipaalam ang pinagdadaanan niya.
“Humihingi ako ng tulong dito sa Pilipinas. Kapag sumasagot ang mama ko ipinararating nila sa akin kaagad,†wika ni Paulo.
Inasikaso ng embahada na makakuha siya ng ‘exit visa’ upang makauwi.
“Paglapag namin sa airport dinala kami sa opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Tinanong ako kung maghahabla ako,†sabi ni Paulo.
Kasalukuyang nasa National Labor Relations Commission (NLRC) ang reklamo ni Paulo na ‘Non-payment of wages’.
“Gusto kong humingi ulit ng tulong sa inyo para makuha ang limang buwan kong sahod,†ayon kay Paulo.
Sa ngayon ay magpapahinga muna si Paulo sa Pilipinas at binabalak na magtrabaho sa Singapore o Taiwan upang matulungan ang kanyang pamilya.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, marami sa ating mga kababayan ang nasa pangangalaga ng embahada dahil sa pagtakas sa kanilang mga employer. Ang ilan sa mga ahensyang humahawak sa kanila ay tanging sa simula lamang tumutulong at kapag nagkaproblema na sa pinagdalhang bansa wala na silang ginagawa.
Isa rin sa magandang gawin ni Paulo ay subukan niyang magtungo sa kanyang ahensya upang magpatulong sa sinisingil niyang sahod. Ito ang nakakaalam ng lahat ng impormasyon tungkol sa pinagtrabahuan niya. Hindi naman tama na hindi iyon ibigay sa kanya dahil pinaghirapan niya ito. Amin din inilapit kay Usec. Seguis ang problema ni Paulo upang maiparating sa ating embahada doon ang kinukuha niyang sahod. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.