‘Hoy bata, kanino ka nanggaling?’

“Sampid lang daw kami. Sana naman patahimikin na nila ko,” ani Tesa.

Ang bawat nilalang ay ipinanganak na merong ina na nagluwal sa kanila. Itago mo man, pilit na hahanapin ng isang anak ang pinagkakautangan ng kanyang buhay.  Si Ma. Theresa Vicente ay panganay sa siyam niyang kinilalang mga kapatid. Nasa edad 33 anyos na ngayon si Tesa subalit problema pa rin umano niya ang tunay niyang pagkatao. “Alam naman namin parepareho na si Theresa ang tunay kong mama pero parang tinatanggi na nila,” pahayag ni Tesa.

Pinanganak si Tesa sa Mabunga, Gumaca, Quezon. Pitong taong gulang na siya ng lumuwas ng Maynila sa bahay ng kaniyang lola sa Blumentritt. Trese anyos na si Tesa ng bumalik ng Quezon para dito magtapos ng hayskul. “Inalam ko talaga ang pagkatao ko…” wika ni Tesa. Nagkaisip si Tesa na ang kanyang kinilalang mga magulang ay sina Marianita “Bonie” Vicente, tinawag niyang Nanay at asawa nitong Benito Vicente.  Nasa kinder si Tesa ng lumuwas daw sila ng amang si Benito sa Maynila. Bitbit ang kanyang mga gamit tumuloy sila sa lola niya sa Blumentritt.  â€œ ‘Tesa ang Mama mo...’ sabi sa’kin ni Tatay. Pinakilala sa akin ang tiyahin ko, kapatid ni Mama na Theresa din ang pangalan…” wika ni Tesa. Hindi na malinaw sa alaala niya kung ano ng nangyari nung araw na ipakilala sa kanya ang umano’y tunay niyang ina. Nagising na lang siyang kasama ang lolang si Felecitas. Kung saan-saan daw siya napapadpad. Minsan kay Felecitas, kay Marianita at may pagkakataon ding na kay Theresa siya na noo’y isang ‘public school teacher ‘ sa elementarya. Sa Quezon pa rin siya namalagi.

Magkokolehiyo na siya ng lumuwas ng Maynila. “Computer Science sana kursong kukunin ko sa PUP pero ‘di na ako nakapag-eksam. Kinailangan ko mamasukan bilang kasambahay,” ani Tesa.  Pumasok siya sa isang pamilya sa Dapitan at sa Pampanga. Kapag walang trabahong makuha, pag-aalaga ng hayop sa Quezon ang pinagkakaabalahan niya. Tulad ng baboy, manok at kalabaw.  Habang nasa probinsya nabalitaan na lang ni Tesa na nasa ibang bansa na ang kanyang Mama at Elizabeth na umano ang pangalang ginagamit nito. Mula nun nawalan na siya ng komunikasyon sa ina. Ganito man ang kinahinatnan ng relasyon nila ni Theresa, maayos naman daw siyang pinalaki ng tiyahing si Marianita at asawa nito. “Minsan ko lang marinig na tawagin nila akong anak pero buong buhay ko yun na tingin nila sa akin. Pati mga anak nila Ate akong ituring,” sabi ni Tesa. Maayos naman daw ang trato ng mag-anak sa kanya maliban sa tiyahing si Marissa, bunsong kapatid nila Marianita at Theresa.

Nakatira sila sa iisang compound sa Maynila, lahat sila dun magkakamag-anak. Ayon kay Tesa sa tuwing malalasing itong kanyang tiyahin siya umano agad ang pinupunterya nito. Bata pa lang siya, madalas na daw siyang awayin ni Marissa. “Sampid lang daw ako…” ani Tesa.

Sa sakit ng mga salitang binitiwan umano ng tiyahin, nilakad ni Tesa ang mga dokumentong makakatulong sa pagtukoy niya ng tunay niyang katauhan.  Humingi siya ng kopya ng kanyang ‘birth certificate’ subalit hindi pala siya rehistrado. Baptismal Certificate ang sumunod niyang hinanap. Sa simbahan ng Parish of San Diego de Alcala, Gumaca Quezon nakuha niya ang kopya ng kanyang Baptismal Certificate. Nakalagay dito na anak siya ni Marianita kanyang tiyahin at asawang si Benito. Wala siyang nakuhang katunayan na siya ay anak nga nitong si Theresa. Bagamat kilala niya ang tunay na ina, mas kinilala nila bilang ina ang kanyang tiyahin na mula’t sapul ay nag-aruga at nag-alaga na sa kanya… hanggang sa kanyang paglaki.  Sinubukan niyang iwasan ang tungkol sa tunay niyang pagkatao subalit madalas ibinabalik daw ng tiyahing si Marissa ang problema niya. Kwento niya, Ika-9 ng Abril 2014, 7:00 ng gabi, habang nagluluto siya ng hapunan… nagsisigaw na lang daw itong si Marissa na noon daw ay lasing.

“Palayasin na dapat palayasin!” sigaw umano ng tiyahin.

Alam ni Tesa na sila daw ang pinaparinggan nito. Maya-maya pumasok ito ng bahay at umihi. Nadulas daw ito sa sobrang kalasingan. Lalong daw naghimutok itong si Marissa. Lumabas si Mariana at Benito at sinilip si Marissa. Nagulat si Tesa ng sigawan ng tiyahin pati ang kanyang ina’t ama.  “Lumayas na kayo lahat dito!” pagtataboy umano ng tiyhahin. Nagwala daw itong si Marissa. Nagkasagutan na sila magtiyahin.

“Perwisyo daw kami. Eh nanahimik kami!” ani Tesa.        

Pati daw ang anak na menor de edad ng tiyahin nakisali sa gulo.

“Sabi niya  sira ulo ko! Sabi ko, baka nanay mo sira ulo?!” sabi ni Tesa.

Tumigil din ang tiyahin matapos mahimasmasan subalit ayon  kay Tesa pagod na siya dahil tuwing makakainom ganito na lang daw palagi ang tiyahin. Ito ang dahilan ng pagpunta sa amin ni Tesa.

“Sa mga kasama ko sa bahay… ang gusto ko lang naman patahimikin na nila ako,” kahilingan niya.

Itinampok namin si Tesa sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ, (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Tesa na ang kaso niya ay problemang pamilya kung titignan. Subukan niya munang kausapin ang kanyang tiyahin tungkol sa umano’y hindi nila pagkakaunawaan. Kapag nagpaulit-ulit pa ito, maari nilang idaan ang usapin sa baranggay at baka mapag-ayos pa sila. Naiintindihan namin si Tesa sa nararanasan niya ngayon lalo na’t gulong-gulo siya sa kanyang umano’y tunay na pagkatao.

Binigyan namin ng pagkakataong makapanawagan sa ere si Tesa sa kanyang inang nasa California, USA ayon kay sa kanya. Para mapaliwanagan man lang siya ng ina kung kanino ba talaga siya nanggaling? Kay Theresa o sa kinagisnan nitong ina na si Marianita? Panahon na rin siguro para malaman ni Tesa ang tunay niyang pagkatao at ang kanyang pinagmulan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN O MAY PROBLEMANG LIGAL magpunta lang sa 5th Floor CityState Centre Bldg. Shaw Blvd. Pasig City. Maari kayong magtext sa mga numerong 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038.

Show comments