NAKUHA ng mga chef sa Italy ang record nang pinakamalaking pizza pie sa buong mundo. Ang niluto nilang pizza ay may laking 131 na talampakan. Hindi lang ang laki nito ang kamangha-mangha dahil nagawa rin ng mga chef na gluten-free ang higanteng pizza kaya maganda sa kalusugan lalo na sa mga may diabetes.
Ang grupo ng mga chef na gumawa ng higanteng pizza ay pinamunuan ni Dovilio Nardi. Marami na siyang karanasan sa paggawa ng pizza dahil nakapagtayo na siya ng maraming pizza restaurant sa Italy. Eksperto na rin siya sa paggawa ng gluten-free na pizza dahil ito ang specialty ng kanyang restaurant. Ilang negosyo rin sa Italy na nagbebenta ng mga gluten-free na produkto ang tumulong sa grupo ni Nardi sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sangkap para sa pagluluto nila ng higanteng pizza.
Sa ginawang pinakamalaking pizza, gumamit sina Nardi ng 9,000 kgs. ng arina, 4,500 kgs. ng tomato sauce, 4,000 kgs. ng keso, 700 kgs. ng margarine, 250 kgs. ng asin, 100 kgs. ng litsugas, at 55 kgs. ng suka. Sa kabuuan, umabot sa bigat na 24,000 kgs. ang pizza nina Nardi.
Hindi naging madali ang paggawa ng pinakamalaking pizza. Sa paggawa pa lang ng masa ay dalawang araw na ang nagugol nila. Hindi kasi nila ginawa ang masa ng sabay-sabay sa dami ng harina na kailangang gamitin kaya paunti-unti ang ginawang pagluluto.
Nagbunga ang tiyaga nina Nardi dahil nakuha nila ang world record na pinakamalaking pizza na dati ay nasa kamay ng South Africa. May laking 122 talampakan lamang ang nagawang pizza ng mga taga-South Africa noong 1990 at hindi katulad ng healthy na pizza nina Nardi, hindi iyon gluten-free.
Pinangalanan ng grupo ni Nardi ang kanilang higanteng pizza na ‘Ottavia’ na hango sa pangalang Octavius na tunay na pangalan ng unang emperador ng Roma na si Augustus Caesar.