Bahay na hugis inidoro, itinayo sa South Korea

ISANG bahay na animo’y higanteng inidoro ang itinayo sa Suwon, South Korea. Ang gusali ay ipinatayo ni Sim Jae-Duck, dating mayor ng nasabing bayan. Ipinagawa ni Sim ang gusali mula sa sarili niyang bulsa upang magsilbing tirahan niya at punong himpilan ng itinatag niyang World Toilet Association, na isang samahang naglalayong mapabuti ang sanitasyon at kondisyon ng mga toilet sa buong mundo.

Ang bahay na inidoro ay nagkahalaga ng $1-milyon. May laking 4,520 metro kuwadrado. Sa loob ng gusali ay may isang malaking toilet sa gitna na napapalibutan ng salamin. Hindi naman kaila­ngang mangamba ng gagamit ng toilet dahil nagiging malabo ang mga salamin kapag may tao sa loob. May balkonahe rin sa taas nito at upang mapuntahan ito ay kaila­ngang umakyat sa pinaka-drainage ng higanteng inidoro. Maraming tulugan sa loob ng gusali at kung gugustuhin ng mga turista ay maari silang matulog sa mga ito na parang isang hotel.

Pinili ni Sim Jae-Duck ang hugis ng inidoro hindi lamang dahil sa kanyang itinatag na samahan kundi pati na rin upang malaman ng lahat ang kanyang pinagmulan. Mahirap ang buhay na pinanggalingan ni Sim. Sa sobrang hirap ng kanyang pamilya, sa isang toilet siya ipinanganak ng kanyang ina.

Sa halip na ikahiya ang kanyang pinanggalingan, ginawa pa itong trademark ni Sim. Nakilala siya sa South Korea bilang si ‘Mayor Toilet’ dahil sa kampanya niyang gawing malinis ang lahat ng toilet sa kanyang bayan. Hindi lamang niya ginawang malinis ang mga toilet sa Suwon, pinalagyan pa niya ang mga ito ng musika at mga larawan upang maging kaaya-aya ang mga ito.

Ipinagkaloob na ni Sim sa Suwon ang gusali at nagsilbi na itong isang tourist spot para sa kanilang lugar. Upang lalong maakit ang mga turista, ginawa na itong museo ng lokal na pamahalaan ng Suwon. Sinasabing nasa 160,000 na turista na ang dumagsa sa higanteng inidoro simula nang buksan ito sa publiko noong 2010.

 

Show comments