‘Malaswerte’

MAY mga taong pinapanganak kakambal ang swerte, meron namang iba na talagang kapag tinamaan ng malas sunud-sunod. “Muntik akong masagasaan ng patrol vehicle ng skyway pero ako pa ang nawalan ng trabaho,” simula ni Nene.

Isang ‘lady guard’ ang tatlumpu’t pitong taong gulang na ginang na si Nenita “Nene” Aniban, nakatira sa Capaz, Tarlac. Ang ahensiyang humahawak kay Nene ay ang RJC/Topwatch Security Agency. Ika-14 ng Pebrero 2014 nang sabihan siya na buksan ang barrier dahil dadaan ang patrol vehicle ng skyway.

“Galing ako sa entry area sa exit first lane. Pagtawid ko sa entry fast lane siya dumaan,” kwento ni Nene. Hindi umano hinintay ng drayber ng patrol vehicle na mabuksan ito at bigla na lang lumusot sa barrier. Muntik nang masagasaan si Nene at hindi man lang umano ito huminto. “Pinagawa ako ng report tungkol sa nangyari at ipinasa ko naman kaagad. Sampung araw na ang nakakaraan wala akong sagot na natanggap,” pahayag ni Nene. Nabanggit niya din sa isa niyang kasamahan na kailangan nilang magdagdag ng barrier upang hindi na maulit ang insidente. Nagsumbong umano ito sa ‘traffic officer’ at nagreport sa kanyang ahensiya.

“Pinabalik ako sa opisina namin dahil hindi na daw ako pwedeng magduty doon,” wika ni Nene. Maliban sa pangyayaring ito marami na ring nakasangkutang ‘violation’ si Nene. Halos apat na beses na siyang natanggal sa pinagtatrabahuan. “Kahit naman hindi ko violation ginagawa nilang violation ko,” depensa ni Nene. Una, napag-initan umano siya noon ng kanyang Operations Manager kaya siya natanggal sa una niyang pinagtatrabahuan.

“Nung nailipat naman ako sa isang call center napagbintangan akong natutulog,” ayon kay Nene. Depensa niya ng mga panahong yun, may trangkaso siya at napapikit sa sama ng pakiramdam. Sakto namang nakita siya ng admin officer kaya siya tinanggal sa duty. Walang duty na ibinibigay kay Nene (floating status) kaya napilitan siyang lumapit sa National Labor Relations Commission (NLRC) para magtanong ng tamang hakbang na pwede niyang gawin. Ayon doon, hindi pa umano siya maaaring magsampa ng kaso dahil hindi pa lumilipas ang anim na buwang palugit.

“Hinayaan ko na lang dahil nabuntis din ako. Nag-file ako ng maternity leave sa ahensiya,” pahayag ni Nene. Pebrero 5, 2012 nagbalik siya sa kanyang ahensiya ngunit pinipilit umano siyang magbitiw ng mga ito.

“Sabi sa akin kailangan daw magresign muna ako para mabigyan ako ng bagong post. Isang taon daw kasi akong hindi pumasok,” kwento ni Nene. Napilitan si Nene na magbitiw dahil iniisip niyang kailangang kailangan niya ang trabaho dahil hindi sila kayang buhayin ng kanyang kinakasama. Matapos maibigay ang gusto ng ahensiya nagkaroon ng bagong duty si Nene. Wala siyang backpay na natanggap ng siya’y magbitiw. Habang siya’y nagtatrabaho tila dumalaw na naman ang malas kay Nene. Nagkaroon naman ng sunog sa nilipatan na naging dahilan kung bakit siya natanggal.

“May nag short circuit daw kaya nasunog yung canteen. Pinabalik kami lahat sa agency. Pinapapalitan kami ng kliyente,” salaysay ni Nene. Nang mailipat naman siya sa Skyway muntik siyang masagasaan kaya pinatatanggal siya doon para iwasan daw ang paglaki ng isyu. “Dumirekta daw kasi ako sa kliyente sa pagrereklamo. Gumawa naman ako ng report pero hindi ko alam kung saan napunta,” pahayag ni Nene. Hindi na rin daw siya mabigyan ng duty ng ahensiya dahil wala na umanong bakante na malapit sa kanyang tinitirhan. “Kung hindi nila ako mabibigyan ng duty bayaran na lang nila ang backpay at 13th month pay ko mula Setyembre 2010 hanggang Pebrero 2011,” pahayag ni Nene. Nais ni Nene na makuha mula sa ahensiya ang kabayaran sa kanyang pinagtrabahuan. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Nene.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag tinawagan namin ang RJC/Topwatch Security Agency at nakausap namin doon ang Operations Manager nito na si Jerry Dionisio. Ayon sa kanya hindi umano natanggal si Nene dun kundi inilipat ng post.

“Kailangan naming maghanap ng bagong pwesto para sa kanya. Merong bakante sa Pampanga pero hindi siya qualified,” pahayag nito.

Ang tungkol naman umano sa back pay na hinihingi ni Nene, ka­ilangan umano niyang magpasa ng ‘resignation letter’. Kapag nagawa na ito ni Nene ay kukwentahin ito at maaari na niyang kunin. Sa isang magandang balita masayang sinabi sa amin ni Nene na noong ika-16 ng Marso 2014 agaran siyang na­bigyan ng duty sa Coca-Cola San Fernando, Pampanga.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kami’y umaasa na tapos na ang kalbaryo ni Nene sa mga patung-patong na hindi masyadong magagandang pangyayari. Ang pagbibigay ng bagong pwesto sana’y maging hudyat sa sunud-sunod na mga magagandang kaganapan sa kanyang buhay. Matagal na rin siyang nagtiis at mahaba na rin ang kanyang mga naranasang kabiguan sa kanyang trabaho. Kinikilala rin naman namin ang aksiyon na ginawa ng RJC/Topwatch Security Agency. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments