Taas suweldo ng gov’t officials, hindi solusyon

Malabo ang panukalang batas ni Sen. Antonio Trillanes na mahihinto ang katiwalian sa gob­yerno kung itataas ang suweldo ng mga opisyal ng pamahalaan.

Sa panukala ni Trillanes, aabot sa P1 milyon ang suweldo ng President ng bansa mula sa kasalukuyang P120,000 at aabot naman sa P600,000 hanggang P800,000 sa Cabinet members.

Naniniwala akong hindi solusyon ang pagtataas sa suweldo sa mga opisyal ng gobyerno para mapatigil ang katiwalian. Ang dapat ayusin sa gobyerno ay tiyakin na mayroong naipakukulong sa mga nagnanakaw.

Ipanukala na paikliin ang proseso para mabilis ang pag-usad ng kaso tulad sa ibang bansa. Kung ang isang opisyal ng gobyerno ay nasangkot sa katiwalian, mas mabigat ang parusa.

Hindi pa handa ang gobyerno na itaas ang suweldo ng mga opisyal ng gobyerno dahil tiyak na aalma ang mamamayan na dumaranas nang matinding kahirapan. Kung maayos na ang ekonomiya ng bansa ay saka na lamang itaas ang suweldo ng mga opisyal. Makabubuting ang pagtuunan ng pansin ay ang suweldo ng mga pulis, sundalo, guro at hospital workers.

Tulad sa Singapore, mataas ang  suweldo ng mga opisyal ng gobyerno kaya nagdadalawang-isip ang mga opisyal na gumawa ng katiwalian.

Sa ngayon, hindi naman kailangan ng mga opisyal ang dagdag suweldo dahil sangkaterba naman ang mga benepisyo at allowances ang natatanggap ng mga ito.

Umaasa tayo na hindi makakalusot sa Kongreso ang panukalang ito dahil ikagagalit lamang ng mga pangkaraniwang manggagawa na matagal ng sumisigaw ng taas sa minimum wage subalit hindi pinakikinggan ng gobyerno.

 

Show comments