SA isang report ng Arab News kamakailan, napag-alaman na nililigawan ng Japanese at Chinese technology companies ang mga bansang Arabo tulad ng Saudi Arabia para bumili ng mga kasambahay na robot na lulutas sa kakapusan nila sa mga katulong.
Marami kasing bansa mula sa Asya at Africa ang huminto sa pagpapadala ng kanilang mga mamamayan para magtrabahong katulong sa Saudi Arabia at ibang bansang Arabo dahil sa mga nagaganap na pang-aabuso sa mga kasambahay na ito. Pati nga ang Pilipinas ay naghigpit na sa pagpapadala ng katulong sa mga bansang ito.
Masasabing masamang balita ito para sa recruitment agencies o sa mga mahihirap na mamamayang walang ibang alternatibo para mabuhay at masuportahan ang kanilang pamilya kundi magtrabahong kasambahay sa ibang bansa pero may mga nagsasabing hindi pa agad matatanggap ng lipunang Arabo ang mga robot dahil kailangan pa rin talaga nila ng katulong na tao na magluluto ng pagkain.
Napapaulat na marami nang bansang Asyano at Western ang bumibili ng robot para gumampan ng mga trabahong bahay tulad ng paglilinis ng bahay. Meron na ngang robot na puwedeng mag-alaga ng bata o magluto o magbunot ng sahig o mautusang kumuha ng kape. Mas matipid pa umano ito kaysa magbayad ng suweldo buwan-buwan sa isang kasambahay na tao. Malulutas din ang problema sa recruitment (kasama na siguro ang illegal recruitment) at mga krimeng may kaugnayan sa dayuhang katulong na tao. Baka lang daw mahirapan ang mga babaing Arabo dahil Ingles ang lengguwahe ng mga robot.
Pero, kung hindi naman masasawata ang mga pang-aabuso sa mga dayuhang kasambahay, makakabuti nga marahil na robot na lang ang kunin nilang katulong. Walang robot na tatalon mula sa matataas na gusali para matakasan ang mga pagmamaltrato at pang-aabuso sa kanya ng kanyang employer. Ewan lang kung kahit robot ay magagawang gahasain ng kanyang amo!