BILANG isang manggagawa ay mas mahalaga sa ating lahat ay ang mabigyan tayo ng kaukulang proteksiyon ng ating gobyerno laban sa mga mapagsamantalang employer o negosyante.
Batay sa aking pagsusuri, talagang mahihirapan ang mga kompanya at iba pang employer na magbigay ng dagdag na P135 sa sahod ng mga manggagawa.
Pero may malaking magagawa ang ating gobyerno para maprotektahan ang mga manggagawa sa ating bansa at ito ay sa pamamagitan ng isang batas na magtatakwil sa contractualization.
Ang masaklap kasi, halos limang buwan lang ang itatagal ng isang manggagawa sa isang kompanya tulad ng department store o supermarket at habang tumatagal ay nagkakaedad na hindi man lang naging regular employee at walang makuhang benepisyo.
Masyadong kawawa ang mga manggagawa lalo na sa mga shopping mall dahil halos mga manggagawa rito ay mga contractual. Maituturing na pag-abuso ng mga may-ari ng shopping mall ang ganitong sistema dahil umiiwas sila sa pagbibigay ng mga benepisyo sa isang regular employee.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat kung papaano lalong yumayaman ang mga may ari ng shopping mall sa pangunguna ng negosyanteng si Henry Sy samantalang lalong naghihirap naman ang kanyang mga manggagawa lalo na ang mga contractual at pagkatapos ng limang buwan ay wala nang trabaho.
Sana ay mabigyang pansin ng gobyerno ang usapin ng contractualization at iba pang proteksiyon sa mga manggagawa.
Samantala, umaasa akong magiging positibo ang resulta sa naging kautusan ni President Aquino hinggil sa panukala ng mga labor groups na bawasan ang ibinabayad na buwis ng mga manggagawa.
Mas malaking pakinabang ito sa manggagawa kapag naalis ang mga buwis na binabayaran. Malaki pa ito kumpara sa P135 wage increase na isinusulong ng ilang mga labor groups.
Silipin din ang retirement benefits ng mga miyembro ng Social Security System na talaga namang napakaliit ng pension at hindi kayang buhayin ang isang retiradong manggagawa.