ISANG babaing diver sa China ang pinulikat habang lumalangoy sa higanteng aquarium at nanganib ang buhay. Hanggang sagipin siya ng isang balyena!
Kinilala ang diver na si Yang Yun, 26, isa sa mga kalahok sa paligsahan ng pagsisid sa isang ocean theme park sa Harbin, China. Isinagawa ang patimpalak upang piliin kung sino sa mga kalahok ang magiging tagapag-alaga ng mga balyena na nakatira sa mga aquarium ng ocean theme park. Kailangang mahusay lumangoy at sumisid ang mapipili dahil 20 talampakan ang lalim ng mga aquarium na nilalanguyan ng mga balyena.
Bukod kay Yang Yun, may anim pang ibang kasali sa patimpalak at lahat sila ay kailangang sumisid hanggang sa ilalim ng aquarium ng hindi gumagamit ng kahit anong breathing equipment.
Sa simula, naging maayos ang paglangoy ng lahat ngunit nang marating ni Yang Yun ang pinakailalim ng aquarium, biglang pinulikat ang kanyang mga binti. Dahil namanhid na ang mga binti ay hindi na niya kinaya pang lumangoy papunta sa ibabaw kaya unti-unti na siyang naubusan ng hininga.
Maaring namatay sa pagkalunod si Yang Yun kung hindi siya sinagip ng isa sa mga balÂyenang nasa aquarium. Beluga whale ang tawag sa uri ng mga balyena na nasa aquarium at isa sa mga ito ang lumapit kay Yang Yun habang siya ay nauubusan ng hininga at paralisado dahil sa pulikat. Mila ang pangalan ng balyenang tumulong kay Yang Yun at marahil ay naintindihan nito ang panganib na kinakaharap ng diver kaya gamit ang ulo, itinulak si Yang Yun patungo sa ibabaw. Nakaligtas si Yang Yun.
Ayon sa mga tagapag-alaga ni Mila, sanay na raw ito at pati na ang mga kapwa niya Beluga whale sa pakikisalamuha sa mga tao kaya madali nitong naintindihan na nangangailangan ng tulong si Yang Yun.