ISANG anim na taong gulang na batang lalaki ang matapang na iniligtas ang nakababatang kapatid matapos pasukin ng isang leon ang kanilang garahe sa British Columbia, Canada.
Ayon kay Bryce Forbes, napadako siya sa garahe ng kanilang tahanan at nagulat siya nang makita niya roon ang isang mountain lion at animo’y naghihintay lamang nang bibiktimahin.
Subalit sa halip na tumakbo palayo, matapang na nilampasan ni Bryce ang leon para mapuntahan ang limang taong gulang na kapatid na si Tucker na naglalaro malapit sa garahe.
Nang mapuntahan ang kapatid, dali-dali niya itong kinarga at mabilis na pumasok sa loob ng kanilang bahay. Pagkapasok, dumiretso kaagad sila sa kanilang kuwarto at ini-lock. Pagkaraan ay tinawagan ang kanilang mga magulang sa telepono upang humingi ng tulong. Nasa kanilang kuwarto ang mga magulang nina Bryce nang mga sandaling iyon.
Hindi naman kaagad pinaniwalaan ng kanyang mga magulang ang sinabi ni Bryce dahil wala silang nakitang mabangis na hayop sa garahe. Kaya lumabas sila at nagulat nang makita ang mountain lion na gumagala sa bakuran.
Tumawag sila ng mga pulis na kaagad namang dumating at binaril ang leon. Ayon sa mga pulis, malaki ang posibilidad na naghahanap ng makakain ang leon. Gutom ito. Hinangaan nila ang ginawa ni Bryce na maliksing kinuha ang kapatid na si Tucker. Kung hindi iyon ginawa ni Bryce, ang kapatid niya ang naging pagkain ng leon.
Pinarangalan si Bryce ng gobyerno ng Canada dahil sa ipinakitang katapangan sa pagÂliligtas sa kabila ng panganib.