EDITORYAL - Tutukan ang MERS-CoV

HINDI dapat balewalain ang Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV). Nakamamatay ang sakit na ito. Sintomas ng MERS-CoV ang lagnat, ubo, sipon, paninikip ng dibdib at diarrhea.

Ang MERS-CoV ang dahilan umano ng pagkamatay ng isang 44-anyos na OFW sa Jeddah, Saudi Arabia noong nakaraang Abril 12. Ayon sa mga kaanak ng namatay na OFW, limang taon na itong nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Nagkaroon umano ng lagnat ang biktima at saka dinala sa King Fahd Hospital at makaraan ang ilang araw ay namatay na ito. Hindi na pinayagang maiuwi ang bangkay ng OFW dahil sa quarantine restrictions. Doon na umano ito inilibing. Ayon naman sa report ng Saudi Ministry of Health, tinatayang kalahati sa 206 na positibo sa MERS-CoV ang namatay. Unang nadiskubre ang MERS-CoV sa Jeddah noong 2012. Natuklasan ito ng isang virologist. Nanggaling umano ang virus sa paniki.

Lubhang mapanganib ang MERS-CoV kaya nararapat na maging alerto ang lahat lalo pa’t maraming OFW sa Saudi Arabia. Araw-araw ay may dumara-ting na mga OFW kaya nararapat magbantay ang Department of Health (DOH).

Isang OFW na galing United Arab Emirates ang nagpositibo sa MERS-CoV. Sakay siya ng Etihad Airlines Flight EY0424 noong Abril 15. Ang Etihad ay may 415 kabuuang pasahero. Agad nanawagan ang DOH sa mga pasahero ng Etihad na makipag-ugnayan sa kanila para matesting sa nasabing virus. Maski si President Aquino ay ipinag-utos sa DOH na hanapin ang mga pasahero ng Etihad. Nakontak naman kaagad ang mga pasahero.

Kung maaagapan, hindi kakalat ang MERS-CoV. Payo ng DOH maging malinis sa katawan at palakasin ang katawan para hindi dapuan ng sakit.

 

Show comments