Magkaibang panata

Noong isang Linggo buhay na ang Diyos

Ang Semana Santa ay noon natapos;

Sa nangyaring yaon ay aking natalos

Mga nasa lunsod ay iba ang kilos!

 

Malalaking bahay ang nasa paligid

Na mga palasyong ating namamasid;

Mga tao roo’y mahimbing ang idlip

Magsisimba sila’y sa malls na masikip!

 

Samantalang doon sa nayo’t barangay

Ang Semana Santa’y lubhang minamahal;

Maaga pa lamang ay may Salubungan

Ni Hesus at Mary sa mga lansangan!

 

Ang kababaihan matanda at bata

Sa simbahang baryo ay namamanata;

Ang mga lalaki pawang nagsisimba

Mga asosasyon naroo’t kasama!

Show comments