Upang maiwasan ang amag sa mga librong nabasa (wet), budburan ito ng baking soda. Ibilad sa araw para matuyo. Kung tinubuan na ng amag, kuskusin ito ng baking soda powder at ibilad sa araw.
Balutin ng lumang medyas ang sapatos or boots na itatago upang hindi alikabukin. Linisin muna ito ng shoe polish bago itago para ready na itong isuot kapag naisipan muling gamitin.
Dagdagan ng ilang drops na suka ang tumigas na glue para lumambot at magamit ulit.
Para matanggal ang lipstick sa collar ng damit: Basain ang malinis na cotton cloth ng rubbing alcohol. Ito ang idampi sa mantsang lipstick. Labhan.
Ibabad muna sa shampoo ang damit na namantikaan bago labhan sa washing machine.
Takpan ng kutsara ang butones kapag ang bahaging ito ang iyong paplantsahin upang maiwasang matunaw ang plastic na butones.
Acetone ang ipangtanggal sa price sticker tag ng inyong biniling item para ipanregalo. Di ba’t tinatanggal natin ang price tag ng isang bagay kapag ireregalo natin ito.
Gupitin nang maliliit ang mga lumang towel para gamiting pangpunas sa blinds, furniture at sahig.
Para sa mabilis na paglilinis ng bote at garapon, lagyan ito ng sabon, tubig at pira-pirasong balat ng itlog. Kalugin lang ang bote, at presto, malinis na. Banlawan ng tubig.
Tutong sa kalderong aluminum? Magpakulo dito ng tubig na may sibuyas. Mabilis nang matatanggal ang tutong kapag kinuskos. (Itutuloy)