^

Punto Mo

‘So it’s Yu’

- Tony Calvento - Pang-masa

DI mo man nakuha ng buo ang iyong hinihingi tanggapin mo na ang kalahati na nahawakan mo na.

“Nagbayad ako ng sampung libo kasi dapat sa Hongkong ako pupunta kaso sa Kuwait ako nakarating,” simula ni Marichu.

Panganay sa pitong magkakapatid si Marichu Maaño, 35 taong gulang, nakatira sa Marikina. Hunyo ng taong 2012 nang mag-apply sa Masters International Placement Construction Services Inc. si Marichu. Mismong ang ‘general manager’ nito na si Ms. Anita Yu ang kanyang nakausap. “Domestic Helper (DH) sa Hongkong ang pinapasukan ko. Nagpamedikal ako, tatlong libo yun,” kwento ni Marichu. Nagbayad din siya ng tatlong libong piso para sa training sa TESDA na dapat niyang pagdaanan bago siya makaalis ng bansa. Ayon pa kay Marichu sa opisina lang ng Masters siya pumapasok para sa training.

“Bago ka makapunta ng Hongkong kailangan magbayad ng sampung libong placement fee. Pinag-down ako ng ganung halaga at kay Ms. Yu ko mismo iniabot,” salaysay ni Marichu­. Wala umanong ibinigay na resibo sa kanya basta pinapirma lamang siya sa isang folder na nakalagay ang kanyang pangalan, halaga ng ibinayad at kung saan papunta.

“Ilang buwan na akong naghihintay wala pa akong employer na mapagtatrabahuan sa Hongkong. Sabi nila sa Kuwait daw ako ipapadala dahil doon may bakante,” ayon kay Marichu. Dala ng pangangailangan ng trabaho pumayag si Marichu na sa Kuwait na lamang magpunta sa halip na sa Hongkong. Bago siya umalis papuntang Kuwait noong Disyembre 2012 ay sumailalim ulit siya sa medical examination.

“Kinuha yung tatlong libo sa sampung libong down payment na ibinayad ko,” sabi ni Marichu. Paalis na lamang umano siya nang hingan siya ng pera dahil mas mahal daw ang tiket kapag Disyembre. Nagtaka si Marichu dahil ayon sa staff na kanyang nakausap, walang babayaran kung sa Kuwait siya pupunta.

“Sinabi ko na lang na wala na talaga akong perang maiibigay,” salaysay ni Marichu. Bago umano siya umalis, binigyan siya ng bank account number ng ahensiya. Binilinan siya na kapag may pera na ay saka na lamang magbayad. Ika-24 ng Disyembre 2013 nang umalis siya papuntang Kuwait.

“Unang beses kong naranasan na salubungin ang pasko sa eroplano,” wika ni Marichu. Pagdating ni Marichu sa Kuwait sa halip na taga-alaga lamang siya ng dalawampu’t siyam na taong gulang na special child ay halos lahat ng gawain ay ipinapagawa sa kanya.

“Kinakaya ko kasi kailangan ko ng trabaho. Kulang ako palagi sa tulog at ayaw nilang nakikitang wala kang ginagawa,” ayon kay Marichu. Tiniis ni Marichu ang lahat ng pagod para sa pamilyang nasa Pilipinas. Nasusunod naman umano ang halagang kanilang pinagkasunduan sa sahod ngunit laging nahuhuli.

“Nung mga huling buwan wala na talaga silang inabot sa akin. Hindi na nila ako pinasweldo,” salaysay ni Marichu.’

Hunyo 2013 nang magpasya siyang tumakas sa kanyang employer. Dumiretso siya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Ilang buwan ang nakalipas natulungan siya ng OWWA na makuha ang kaniyang sahod. Nobyembre 17, 2013 nang makauwi siya ng Pilipinas. Nais makuha ni Marichu ang sampung libong ibinayad niya bilang placement fee sa ahensiya. Giit niya wala naman umanong kailangang bayaran na placement fee papuntang Kuwait. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Marichu.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, tinawagan namin ang ahensiya ni Marichu at nakausap namin doon si Ms. Yu, ang general manager nito. Ayon sa kanya papuntahin na lang si Marichu sa kanilang opisina. “Tingnan natin ang record niya at kung ano ang kailangang ibalik sa pera ay makukuha niya,” ayon kay Ms. Yu. Agad naming ipinaalam kay Marichu ang sinabi sa amin ni Ms. Yu. Pinuntahan niya ang ahensiya at ayon kay Ms. Yu apat na libo na lamang umano ang kanyang makukuha doon. “May mga ibinawas siya na naging gastos daw sa pagpunta ko,” pahayag ni Marichu.

Hindi man buo ang nakuha tinanggap pa rin ni Marichu ang pera sapagkat kailangan niya ito para makapag-apply ng trabaho.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang perang nasa iyong harapan at nakikita mo ay mas sigurado. Kulang man ang nakuha ni Marichu dahil tingin niya ay tatlong libo lamang dapat ang mabawas sa kanyang ibinayad ay tinanggap niya kaysa lumipad pa ang perang kaharap. Mabuti rin sana kung hiningi ni Marichu ang listahan ng mga kinaltas doon ng ahensiya para malaman niya kung saan nga ba napunta ang perang kanyang iniabot nang siya’y mag-apply doon. Tulad ni Marichu, marami sa ating kababayan na ninanais magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mas malaki ang kikitain. Ngunit maging maingat sa mga ahensiyang inyong pagkakatiwalaan dahil marami diyan mapaalis ka lamang “bahala ka na sa buhay mo” ang tingin nila sa ‘yo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

vuukle comment

AKO

AYON

DISYEMBRE

KUWAIT

LAMANG

MARICHU

MS. YU

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with