Tinedyer, nagtago sa compartment ng gulong ng eroplano habang lumilipad, nakaligtas sa kamatayan!
ISANG Amerikanong teenager ang nakalusot sa security ng San Jose International Airport sa California at nagtago sa compartment ng gulong ng eroplanong nakatakdang lumipad patungong Hawaii.
Hanggang sa lumipad ang eroplano at walang nakapansin sa tinedyer na nagmula sa Santa Clara, California.
Nang makalanding sa Maui airport, Hawaii, saka nakita ng mga airline personnel ang tinedyer na agad tumawag ng airport security.
Agad siyang kinuwestiyon ng mga opisyal ng Federal Bureau of Investigation (FBI). Napag-alaman na naglayas ang bata sa bahay nila sa Santa Clara matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kanyang pamilya.
Sinasabi namang masuwerte ang bata dahil nakaligtas ito sa limang oras na biyahe habang nasa compartment ng gulong ng eroplano. Kakaunti kasi ang oxygen sa hangin sa taas na 38,000 na talampakan. Masuwerte rin ang bata dahil mala-yelo ang temperatura sa paligid kapag ang eroplano ay nasa ganoong taas sa himpapawid.
Ayon naman sa mga eksperto, maaring nakaligtas ang bata dahil nawalan ito ng malay. Bumababa kasi ang oxygen na kailangan ng katawan kapag walang malay ang tao kaya baka nakatulong ito upang makaligtas ang bata sa kakapusan ng oxygen sa himpapawid. Maari rin na ang gulong mismo ang nagligtas sa teenager mula sa pagkamatay dahil sa lamig. Lubhang mainit kasi ang mga gulong ng eroplano matapos paandarin at maaring ito ang pinagmulan ng init na nagsalba sa buhay ng bata.
May mga pasaherong nagtago na rin sa compartment ng gulong ngunit kaunti ang nakakaligtas kaya naman isang himala na nabuhay ang bata.
Wala namang balak ang mga kinauukulan na magsampa ng kaso laban sa teenager sa kabila ng ginawa nito.
- Latest