WOW naman. Nais daw ni Janet Lim Napoles na maging state witness sa PDAF scam na kinasasangkutan ng tatlong senador.
Pero teka, si Napoles ang itinuturong mastermind ng scam kasabwat umano ang tatlong senador gayundin ang ilang opisyal ng gobyerno mula sa implementing agency. Maituturing na pangunaÂhing akusado si Napoles kaya nakapagtataka na ninais pa ng DOJ na maging testigo ito.
Sa isang presscon kahapon nilinaw ni DOJ Sec. Leila de Lima na wala pa siyang ibinigay na pangako kay Napoles na maging state witness nang kapulungin niya ito sa Ospital ng Makati dahil pag-aaralan pa ang sinumpaang salaysay nito.
Pero kung gagawing state witness si Napoles, ang kondisyon ng DOJ ay sabihin lahat nito ang mga nalalaman sa anomalya.
Hindi ba’t nang humarap sa Senate blue ribbon committee si Napoles, nanumpa siya sa Senado na magsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang at ang kanyang testimonya ay wala siyang alam at matandaan.
Akala ko ba sapat na ang testimonya ni Benhur Luy na pangunahing whistleblower sa scam? Bakit kailangan pang gawing testigo si Napoles sa halip na kasuhan at maipakulong.
Hindi ako abogado pero hindi naman magagawa ng tatlong senador kung totoo ang alegasyon na sila ay makapagsamantala sa pondo ng bayan na hindi kasabwat si Napoles at iba pang opisyal. Sa madaling salita, pangunahing may kinalaman sa kaso si Napoles kaya dapat ay pangunahing maparusahan ito sa nasabing anomalya.
Nakakatawa naman sa bansang ito dahil napakabilis maging state witness basta’t ang madidiin ay mga pulitiko. Pera ng taumbayan ang pinag-uusapan dito at kung papanagutin sa batas ang mga senador, dapat na kasama si Napoles at iba pang sangkot sa kaso.
Kung gagawing state witness si Napoles ay ano na ang magiging kalagayan ni Benhur Luy? Baka mabalewala na ang papel niya sa kaso at iilan lang ang maparusahan sa halip na mas marami ang managot dahil sa mga nakinabang sa pondo ng bayan.