MARSO ang tinaguriang Fire Prevention Month pero mas marami ang nangyayaring sunog ngaÂyong Abril. Mas matindi ang init ng panahon ngayong Abril kaya naman madaling sumiklab at mag-apoy ang mga bahay na gawa sa mahihinang material. Kaya nararapat ang puspusang pag-iingat upang hindi mabiktima ng sunog. Huwag hayaang maging abo ang pinagpaguran.
Ngayong buwan na ito, marami nang naitalang sunog sa Metro Manila. Noong Linggo, nagkaroon ng sunog sa isang slum areas sa Grace Park, Caloocan City at 500 bahay na gawa sa mahinang materyales ang naabo. Hindi pa lubusang naaapula ang sunog sa Caloocan, sumiklab naman ang sunog sa Tonsuya, Malabon at tinupok ang 200 bahay na pawang gawa rin sa mahinang materyales. Nasa 1,000 pamilya ang nawalan ng bahay.
Noong Lunes, tinupok ng apoy ang mga tindahan ng mga surplus na telebisyon at refrigerator sa Port Area, Manila. Nadamay sa sunog ang mga barungbarong sa paligid. Umano’y overloaded na kawad ng kuryente ang dahilan ng sunog.
Kahapon, nagkaroon din ng sunog sa Quezon City at iba pang lugar sa Metro Manila. Wala namang naiulat na namatay o nasugatan.
Bago pa ang Fire Prevention Month nagpaalala na ang Bureau of Fire Protection sa publiko na mag-ingat at sundin ang mga payo para makaiwas sa sunog. Ilan dito ang huwag magpabaya sa mga may sinding kandila, huwag magtatapon ng upos ng sigarilyo sa mga bagay na madaling magliyab, ugaling i-check ang mga cooking gas at baka sumisingaw, huwag kalimutan ang mga cell phone habang naka-charged at baka mag-overheat, ugaliin ang pag-check sa instalasyon ng mga kawad ng kuryente at baka naka-exposed na ang mga ito.
Dapat din namang inspeksiyunin ang mga establisimento, gusali, school building, hospital at baka walang fire exit ang mga ito.
Maiiwasan ang sunog kung magkakaroon ng paghahanda ukol dito. Huwag maging kampante lalo na sa panahong ito na ang init ay tumatagos at sa isang iglap ay maaaring magdulot ng sunog.