NOONG Martes, nasira ang riles ng Metro Rail Transit at naantala na naman ang biyahe. MaÂrami na namang na-stranded. Sabagay, sanay na ang commuters ng MRT sa ganitong problema. Sanay na sila sa mahabang pila, atrasadong tren, pabigla-biglang preno ng operator at pagtirik ng tren sa gitna. Matagal nang nagtitiis ang mga kawawang commuters. Noon pa ay kalbaryo na ang kanilang pagsakay sa MRT.
At magpapatuloy pa ang kalbaryo ng mga pasaÂhero ng MRT dahil sa gusot na namamayani sa pagitan ng namumuno rito at isang ambassador. Inakusahan ng Czech ambassador ang MRT general manager ng extortion. Patuloy ang pagtatalo sa sinasabing extortion at walang kasiguruhan kung kailan matatapos ang kalbaryo ng commuters.
Apektado ang commuters ng kontrobersiyang kinaÂsasangkutan ni MRT general manager Al Vitangcol III at nag-aakusang Czech ambassador Joseph Rychtar. Ayon kay Rychtar, humihingi si Vitangcol ng $30-million kapalit ng supply contract para sa mga bagon ng MRT. Mariin namang itinanggi ni Vitangcol ang akusasyon.
Isa sa kanila ang nagsisinungaling. At ang taumbayan ay hindi malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo. Ang Czech ambassador ba ay magagawang mag-akusa sa bansang kanyang tinitigilan? Parang mahirap mangyari na basta mag-aakusa kung walang katotohanan. Nagharap ng reklamo si Rychtar sa Department of Foreign Affairs at sa National Bureau of Investigation. Naniniwala si Rychtar na hindi siya makakakuha ng parehas na imbestigasyon sa DOTC kung saan nasa ilalim nito ang MRT.
Ang Malacañang ang dapat rumesolba sa usaping ito. Kailangang pamunuan ang MRT ng taong hindi nasasangkot sa anumang gusot. Kailangang pumili na si President Aquino nang mahusay na MRT manager at nang hindi magdusa ang commuters. Tapusin na ang kanilang kalbaryo.