Patindi nang patindi ang ginagawang mga modus at pag-atake ng mga kawatan.
Kung napanood ninyo kamakailan sa telebisyon ang aktong nakunan ng CCTV ang ginawang pagkuha ng dalawang suspect na de-sasakyan pa sa mga gamit ng mga kostumer sa isang establisimento sa Maynila.
Matindi ha, basta lumapit ang mga suspect na nakapayong pa sa lugar na kinauupuan ng mga biktima at saka kinuha ang bag na nakalapag sa isang silya.
Harapan at pagkatapos ay agad na bumalik sa sasakyan at saka nagsitakas.
Walang kahirap-hirap ang bagong modus na ito. Hindi naman nakapalag ang mga biktima na nakuhanan ng mahahalagang gamit dahil na rin sa matinding takot.
Hindi nga nakasumbrero, nakapayong naman kaya hindi nakita sa CCTV ang mga mukha ng suspect.
Aba’y nagbabagu-bago ng modus ang mga kawatan ngayon, nag-iiba rin ng mga props na gamit nila sa pangungulimbat.
Baka dapat na magbago na rin ng estratihiya ang pulisya para matumbok at masawata ang mga ito.
Eto ha, at dahil matagumpay na naman nilang naisagawa ang bago nilang modus, malamang titira uli ang mga ito. Mga establisimento ang ginagawa ngayong target at maging ang mga kostumer dito.
Malaking bagay ang nagagawa ng CCTV na siyang nagbabantay at nagiging mata laban sa mga kawatan. Yun nga lang, pero madalas nakapagtatago ng mukha ang mga kriminal lalu’t alam nila na maaari silang makunan.
Kaya malaking bagay pa rin ang nakakalat na mga awtoridad na maaaring makapigil sa kanilang pagsalakay.
Mas magandang mapigilan o ma-preempt na agad sila sa operasyon.