Sekreto ng mga mayayaman

NARITO ang sekreto ng mga mayayaman na aking natu­tunan sa dinaluhan kong Financial Management Seminar ni Mr. Chinkee Tan:     

1. Rich people never put their eggs in one basket. Pansinin mo ang mga mayayaman, maraming negosyo dahil ang kanilang salapi ay ikinakalat para maraming panggagalingan pa ng kita, pondo o pera. Dahil kung sakaling may isang negosyong hindi magtagumpay, maraming back up.

2. Rich people never kill the mother goose that lays the golden eggs. Kahit pa marami ng naitayong negosyo, hindi nila isinasara, binibitawan o pinababayaan ang siyang pinagkukunan ng pinakamalaking income. Alam nilang alagaan at protektahan ang bawat isang negosyo pero pinakaiingatan pa rin ay ang pinakamalaking magpasok ng pera. Magkaroon nang maraming sources ng income.

3. Ang pinakamainam na paraan upang magpataas ng cash flow ay sa pamamagitan ng Cashflow Quadrant ni Robert Kiyosaki: Una ay maging empleyado ka, kapag nakapagtabi ng pang-negyosyo, ay maging self-employed habang empleyado pa rin sa iyong kasalukuyang trabaho. Hindi mo bibitawan iyon, lalo na kung ang kinikita mo sa pagiging self-employed ay hindi pa sasapat upang bitiwan ang pinagkukunan ng buwanang sweldo.

4. Kung nais mong tumaas pa ang iyong cash flow, maging business owner. Mula sa pinagsamang kita ng iyong pagiging empleyado at self-employed, kumuha ng mga taong magtatrabaho para sa iyo. Oo may gastos ka dahil may pasusuwelduhin ka pero mas darami ang oportunidad mong kumita dahil mas maraming kumikilos para sa iyo.

5. At upang mas lalong dumami ang iyong income at lumago pa ang iyong kinikita sa pagi­ging empleyado, self-employed at business owner, nararapat na ikaw ay mag-invest, para ang pera na mismo ang gumagalaw at nagtatrabaho para sa iyo. Nariyan ang pagpaparenta ng mga lupain o mga bahay at apartment etc. Hindi mainam na marami ka ngang income at marami ang nasi-save pero tulog naman ang pera mo.

Ani Mr. Tan ang isa sa mga sekreto ng mayayaman ay nasa edukasyon. Dahil inaral talaga nila kung ano ang mga magandang itayong negosyo, at ang mismong mga prinsipyo ng pagpapalago ng pera. Sabi nga niya, kung ang mahirap na walang alam sa negosyo ay bigyan mo ng isang milyon at balikan mo matapos ang isang taon, baka wala na iyon. Pero ang mayamang negosyante, kahit tanggalan mo ng mga negosyo, pagbalik mo ay mayaman pa rin. Hinikayat niya kaming mag-invest sa kaalaman, at hindi sa materyal na bagay.

 

Show comments