Seguridad lalong higpitan, para hindi malusutan
Mistulang naghahamon sa ating kapulisan ang grupo ng ‘Martilyo gang’ dahil sa walang humpay nilang pagsalakay sa mga jewelry store mismong sa loob ng mga mall partikular sa Kalakhang Maynila.
Bagamat sa pinakahuling pagtira ng mga ito sa isang mall sa Pasay City, eh nadakip ang isa sa kanilang mga kasamahan, mas maganda sana kung lahat ng mga ito eh tuluyang matitimbog nang mabubuwag ang grupong ito ng mga kawatan.
Hindi lang mga negosyante lalu na ang mga nasa jewelry business ang naaalarma sa grupo kundi maging ang mga ordinaryong mamamayan o shoppers na nag-aalala na baka matiyempuhan sila sa pagsalakay ng mga ito habang sila ay nasa loob ng mga mall.
Kadalasang nasa pito hanggang sampung miyembro ng grupo ang nagsasagawa ng pagsalakay.
Pero hindi ito magsasabay-sabay nang pasok, wala ring dalang martilyo o anumang pamukpok ang mga ito.
Kadalasang sa loob ng mall o department store kung saan nandon ang sasalakayin nilang jewelry store, bibili ang mga ito ng armas.
Kasabay nang pagsalakay o pagbasag sa salamin o eskaparate, ilan dito ang magpapaputok ng baril na layunin eh tarantahin ang mga shoppers sa loob. Pag-nagkagulo na at nagtakbuhan ang mga tao, iyon din ang kanilang sasabayan sa pagtakas.
Dito ipinanukala na bukod umano sa mga unipormadong pulis na nakadestino sa mismong mga mall, eh dapat din daw magpakalat na ng mga nakasibilyang bantay lalu na ang lugar kung saan nandoon ang mga jewelry store. Para mabantayan ang mga kilos ng mga ito, sa simula pa lamang at hindi na tuluyang makaporma.
Mas maraming nakakalat na CCTV, mas mabuti hindi lang mismong sa lugar ng jewelry store kundi sa lahat ng sulok at kasuluk-sulukan ng mall para mabantayan. Lalong higpitan ang entrance at exit at hindi kung may nangyari lang ganito maghihigpit at kapag nagtagal ay balik sa dati. Isiping nagpapalamig rin ang mga kawatan na ito, pero ang seguridad hindi dapat na lumamig nang hindi malusutan.
Aantabay tayo sa isinasagawag operasyon ng pulisya laban sa grupo lalo na nga’t marami sa mga nakatakas na suspect ay kilala na nila.
- Latest