‘Nganga’

ANG social networking site tulad ng internet o ang tinatawag nilang ‘world wide web’ ay nakamamangha. Kaya nila itong putulin at pagdikitin ang mga lugar at mga taong di mo maabot o matanaw subalit ingat lang kaibigan baka ikaw ang mahiwa at nakatanaw ka sa wala.

“May nagpadala sa akin galing umano sa United Kingdom. Disyembre ko pa inaantay tapos may naniningil sa akin para makuha ko ang iniregalo sa akin,” simula ni Shenna.

Ilang buwan nang inaabangan ni Shenna Maglipas, 21 taong gulang, taga Taguig ang ipinadala umanong regalo ng kanyang naging nobyo sa ‘online social networking site’ na Facebook (FB) na si Fred Benson. Kwento ni Shenna, nakilala niya si Fred noong Agosto 2013 nang i-add siya nito. Nagsimula silang maging magka-chat.

“Nagtanong siya ng mga impormasyon tungkol sa akin. Nalaman ko na singkwenta’y dos na siya at sa United Kingdom (UK) nakatira. Seaman siya,” salaysay ni Shenna.

Hiwalay na din si Fred sa asawa at may dalawang anak. Nagkaroon din sila ng pagkakataon na mag-usap sa ‘video chat’. Bandang Oktubre 2013 naging magkarelasyon ang dalawa. Disyembre 2013 nang sumakay ng barko si Fred. Pangako niya kay Shenna pagkatapos ng kanyang trabaho ay dadalaw siya ng Pilipinas upang magkita sila. “January 2014 makakababa na daw siya,” ayon kay Shenna. Ika-20 ng Disyembre nang magpadala ng mga gamit si Fred kay Shenna. Regalo umano ito sa kanya sa darating na pasko. Disyembre 24, 2013 dapat ang eksaktong petsa ng pagdating ng parcel sa kanya.

“May damit yun, sapatos at may gadgets,” pahayag ni Shenna. Ibinigay sa kanya ni Fred ang tracking number. Chineck niya sa website ng Blue Cargo Shipping Lines ang laman ng parcel. Isang unit ng Iphone 4G, anim na pares ng flat shoes, dalawang unit ng Louis Vuitton, anim na pares ng high heels, isang unit ng gold wrist watch, isang unit ng Prada handbag, dalawang dosena ng panty at bra, isang box ng tsokolate, isang kahon ng gintong kwintas, isang box ng diamond earrings, isang unit ng Cannon EOS Digital Camera, bag, belt slappers at bangles. Ito ang laman ng kahong ipinadala sa kanya ni Fred.

“Natuwa ako nung nalaman ko yung mga regalo niya sa akin. Hinintay ko na dumating yung package,” pahayag ni Shenna. Nang sumapit ang araw na inaabangan niya walang nakarating na kahon sa kanya. Naisip nila na posibleng na-delay lamang ito dahil maraming nagpapadala kapag buwan ng Disyembre. Ika-26 ng Disyembre ng parehong taon may natanggap siyang text mula sa hindi kilalang numero.

“Sabi sa akin na-hold daw ang package sa Cebu kaya hindi nairelease. Nakayellow tag daw ito at mayroon kasing mga gadgets. Nagpakilala siya bilang Lea Reyes ng Customs,” kwento ni Shenna. Ayon umano dito kinakailangan nilang magbayad ng tax na Php16,500.00 para mapadala na sa kanila ang package.

“Palagi niya akong pinaaalalahanan na kailangan munang mabayaran para makuha na namin yun. Pebrero 3, 2014 nagtext siya sa akin ulit,” wika ni Shenna.

“Magbayad ka kung magkano ang pera mo para maipadeliver na sa inyo. Ang remaining balance saka na lang babayaran ng buo pagdating ng package,” laman umano ng text.

Kinabukasan…Ika-4 ng Pebrero agad na nagpunta sa Western Union Taguig Branch si Shenna. Nagpadala siya ng anim na libong piso sa pangalan na ibinigay sa kanya ni Lea. Isang Antonio F. Lyn ang inilagay niya bilang ‘receiver’.

“Nakatanggap naman ako kaagad ng text mula kay Lea na nakuha na nila ang pera. Akala ko makakarating na ang package,” wika ni Shenna. Muli siyang nakatanggap ng text na hindi umano pumayag ang customs na partial payment lamang ang mangyari. Kailangan raw nilang bayaran ng buo ang sinasabing tax.

“Nadismaya ako dahil bakit paiba-iba sila ng sinasabi. Nagtataka din ako kung papaano napunta sa Cebu ang package nakatira kami sa Taguig,” pahayag ni Shenna. Nais malaman ni Shenna kung ganun nga ba kalaki ang tax na kinakailangan nilang bayaran. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.

Aming itinampok ang kwentong ito ni Shenna sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn). Sinusubukan naming tawagan ang numero ni Lea Reyes ngunit hindi nito sinasagot ang kanyang cellphone. Nang muli din naming tingnan ang website ng Blue Cargo Shipping Lines upang tingnan ang ilang detalye gamit ang ibinigay na tracking number kay Shenna ay hindi na namin ito mahanap.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, una pa lamang dapat nagtaka na kayo kung bakit sa Cebu pinadala ang inyong regalo. Kung inyong iisipin kaduda-duda na ito at ang dahilan ay para hindi magiging madali para sa inyo na maberipika ito. Kung dito sa Customs sa Maynila pwede kasing kayo mismo ang pumunta upang magbayad ng buwis. Mabuti na lamang na hindi kayo kumagat sa buong halaga na Php16,500.00. Ang masama naman nakonyatan kayo Php6,000.00.

Napakamahal na halaga para sa isang leksiyon na dapat matutunan sa buhay na ito. Pinaliwanag namin kay Shenna na napakahirap nang mabawi ang perang ipinadala nila. Ang sistema kasi ng kahit anong kompanyang nagpapadala ng pera tracking number lang ang kailangan mo at makukuha mo na. Ang istorya ni Shenna ay hindi isang walang saysay na perang lumipad bagkus sa pagbahagi niya ng kanyang karanasan, kayong mga nagbabasa nito ay may leksiyon na matututunan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments