‘Martilyo Gang na naman daw’

NAKAGAWIAN na ng mga awtoridad na kapag may nakawan sa loob ng mga establishemento gamit ang martilyo,  “Martilyo gang” agad ang konklusyon.

 Wala ng mga tanong pa at paliwanag. Ang mababaw nilang eksplinasyon, basta may nabasag na salamin, ang tumira, Martilyo gang.

 Linggo ng gabi, nagkaroon ng komosyon sa SM Mall of Asia sa Pasay City. Ayon sa Southern Police District, “Martilyo gang” ang nanlimas ng mga alahas sa isang jewelry store.

 May mga lespu talaga na tamad. Basta kung ano na lang ang nakita nilang pamamaraan sa krimen, iyon na ang katawagan.

 Ang problema kasi sa mga inilagay ng PNP sa kanilang “intel” walang sapat na kaalaman sa totoong trabaho ng “intel.” Kaya pagkatapos na maibalita ang krimen, wala ng follow up hanggang sa mabaon nalang sa kalimot ang kaso.

Matatandaang kamakailan, inatake din ng mga umano’y Martilyo gang ang SM North. Noong mga nakaraang taon, SM Megamall naman at SM Bicutan.

Puro SM ang target at pinupuntahan. Lahat hindi pa rin nareresolba. Ito ang dapat tutukan, imbestagahan at i-analisa ng mga pulis.

Base sa mga “intel” na nakasama at naka-trabaho ng BITAG sa mga nakaraan naming ope­rasyon, konektado sa Maguindanao group ang Martilyo Gang.

Hindi naman natin nilalahat o bina-“brand” sa ganitong uring kaso ang mga taga-Mindanao pero mayroong mga iba’t ibang grupo dyan.

Pagkatapos nila na maisagawa ang krimen, umuuwi muna sila sa probinsya para magpalamig.

Sa sunod-sunod na puro SM mall ang tinitira, tinitingnan ngayon ng mga “intel” na kaalyado ng BITAG ang sabotage angle o anggulong pananabutahe sa establishemento na hindi nakikita ng mga lespu.

 Ayon din sa mga “intel” na magagaling sa pagpo-profile sa mga suspek, mayroong mga financier­ o nagpopondo sa mga ito gaano man kaliit o kalaki ang “project.” Sa bawat proyekto, anim hanggang sampu pataas ang mga myembro.

Ang mga trademark o tatak ng Martilyo gang ay hindi lang pagmamartilyo sa salamin. Nag­hahagis din sila ng granada, nagpapaputok ng baril at mayroong naka-standby na getaway vehicle. Bawat galaw organisado.

 Ito ang hindi matukoy at kayang madetermina ng mga pulis na nag-iimbestiga ngayon. Alin ang lehitimo at “copy cat” o gaya-gayang “Martilyo Gang” na tumitira at “namumukpok” sa mga mall.

Ugaliing makinig at manood ng BITAG Live sa Radyo5 at Ak­syonTV araw-araw tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga.

 

Show comments