May milagro! (Last part)

NARITO ang karugtong ng ilang aral mula sa librong “Be The Miracle” ni Regina Brett:

6. Pare-pareho lang tayo ng ginagawa pero nagkakaiba tayo sa pamamaraan. Nakakilala ka na ba ng taong ilang taon ng paulit ulit na ginagawa ang parehong trabaho pero hindi halata sa kanya dahil lagi siyang masaya? Parang si Elevator girl, ang sumikat sa YouTube dahil sa kanyang masayahing attitude sa trabaho at pakikitungo sa customers.

7. Madalas ang mga antala ay divine interventions. Nakaranas ka na bang mapurnada at maantala ang mga ginagawa at inaasam mo, para lamang matunghayan paglaon na ito pala ay pamamaraan ng Diyos ng pag-iba ng iyong landas dahil mas maganda ang plano at inihahanda niya para sa iyo? O kaya naman ang maipit ka sa trapiko, para lang mabalitaan pag-uwi mo na nagkaroon pala ng aksidente sa iyong daan. Di ba’t pakiramdam mo ay nasagip ka? Kaya payo ko sa inyo kung may biglang pagbabago sa takbo ng buhay, manatiling positibo dahil marahil ito ang magbibigay daan para mangyari ang itinakda para sa iyo.

8. Punuin muna ng pagmamahal ang sarili, bago mo mapunan ang pangangailangan ng iba. Sa ating mga babae, lalo na sa mga nanay, napakahirap maglaan ng oras na para sa sarili lamang dahil nakaka-guilty. Sayang pa kung tutuusin dahil may natapos ka sigurong hugasin, labahin o paglilinis kaysa lumabas ka, nagkape at nagpa-manicure/pedicure. Pero ang isa sa mga sikreto upang maging balanse sa buhay ay sa pamamagitan ng pagmamahal muna sa iyong sarili. Punan ang iyong pangangailangan (pagmamahal at oras) bago mo punan ang hinihingi ng iba sa iyo. Maging patas ka sa iyong sarili.

9. Imbis na tratuhin ang mga tao ayon sa nais mong matanggap na pagtrato, bakit hindi mo ibigay sa kanila kung ano ang nais nila. Kadalasan ang maganda sa atin, ay hindi sa iba. Gayundin ang sa tingin nating kailangan nila ay hindi pala iyon. Kahit sa simpleng bagay. Nalaman mong gusto ng nanay mo ng sapatos na ganito ang tatak, halaga at estilo. Pero hindi ka sang-ayon at mas gusto mo ng mas maganda kaya ang binili mo sa kanya ay ang gusto mo. Tapos pagkabigay mo ay hindi siya nasiyahan. Dahil hindi naman iyon ang gusto niya. At malulungkot ka dahil hindi niya na=appreciate ang effort mo. Ang kaso, ikaw ang may problema. Ibinibigay mo ang hindi naman niya gusto. Kung gustong mapaligaya ang mga tao sa paligid, ibigay ang alam mong gusto nila, hindi ang gusto mo.

10. Kung gusto mong makakita ng milagro, bakit hindi ikaw ang maging milagro? Katulad nga ng sabi ko, imbis na naghihintay ka na mayroong himalang mangyari sa paligid mo, bakit hindi ikaw ang kumilos upang mangyari ito? Hindi kailangang malaki o imposible. Maraming milagro sa malilit na pang-araw-araw na mga bagay.

Show comments