MARAMING Muslim at Kristiyano ang napaiyak nang lagdaan ang peace agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong Huwebes. Mayroong tuwang-tuwa. Ang paglagda ang hudyat sa pagtatapos ng limang dekadang labanan ng mga sundalo at rebeldeng Muslim sa Mindanao. Pati MILF rebels ay labis na natuwa sapagkat tapos na ang paglalaban. Wala na raw buhay na malalagas dahil sa labanan.
Sa paglagda ng kasunduan, tiyak na ang pagtayo ng Bangsamoro autonomus region. Isang batas ang lilikhain na aaprubahan ng Kongreso at magsisimula na ang autonomy sa Mindanao. Sabi ni President Aquino sa kanyang talumpati makaraan ang pagÂlagda sa peace agreement, hindi raw niya hahayaang mawala pa ang napagkasunduan ukol sa matagalang kapayapaan sa Mindanao. Hindi siya papayag na manumbalik ang kaguluhan doon. Magbabantay siya at sisiguruhing magkakaroon na nang kapayapaan sa Mindanao. Sa huli, maaalala nang lahat na sa kanyang pamumuno nagkaroon ng katahimikan sa Mindanao.
Sabi naman ni MILF chairman Murad Ebrahim ang kasunduan ang “crowning glory†ng kanilang pakikipaglaban. Ang tagumpay ng kasunduan ay hindi lamang daw para sa Bangsamoro kundi para sa lahat nang Pilipino.
Ang paglagda sa peace agreement ay hudyat na rin ng pagkakaroon ng tiwala ng mga foreign investor. Tiyak na maraming dayuhan ang mag-iinvest sa bansa sapagkat nagkaroon na ng kasunduan sa kapayapaan.
Nararapat namang bantayan ang kasunduan at hindi dapat malabag ang mga nakasaad dito.
Ngayong magkakaroon na ng kapangyarihan ang Bangsamoro, sila na ang humikayat sa ibang rebeldeng Muslim na ibaba ang armas, itigil ang pakikipaglaban at sama-samang tahakin ang landas patungo sa bagong pag-asa ng bagong Mindanao.