EDITORYAL - Kung saan marumi, doon maraming lamok

N OONG nakaraang linggo, napabalita ang pag­lipana nang malalaking lamok sa isang squatters area sa Tondo, Maynila. Nakakatakot ang pagkakalarawan ng mga residenteng nainterbyu sapagkat malalaki raw ang lamok na nangangagat sa kanilang mga anak. Nagsusugat na raw ang mga binti at braso ng mga ito dahil sa kagat nang malalaking lamok. Natatakot daw ang mga residente na baka magkaroon ng dengue ang kanilang mga anak at pati sila dahil sa kagat nang malalaking lamok. Tanong pa, saan daw kaya galing ang mga malalaking lamok?

Malalaking lamok din ang problema ng mga taga-Bagong Ilog, Pasig City. Masyado raw malalaki ang mga lamok na kumakagat sa kanila. Mula pa raw Enero­ ay naglabasan na ang maraming lamok sa kanilang lugar at kinakagat sila. Baka raw magka-dengue sila. Tanong din ng mga residente roon, saan daw nanggaling ang mga lamok.

Ayon sa Department of Health (DOH), hindi naghahatid ng dengue ang mga lamok na naglipana sa Tondo at Pasig. Ang mga ito raw ay lamok-bahay o ang tinatawag na Culex pipiens. Hindi raw ito carriers ng dengue­. Sabi ni Assistant Health Secretary and National Epidemiology Center (NEC) head Dr. Eric Tayag, ang pagdami ng Culex pipiens ay maisisisi sa karumihan ng kapaligiran. Marami raw pinangingitlugan ang mga lamok na ito sa mga nabanggit na lugar. Kulang na lang sabihin ni Dr. Tayag na marumi ang kapaligiran doon.

Kahit hindi nagdadala ng dengue ang mga lamok, dapat panatilihin ang paglilinis para walang ma­­ti­rahan. Wasakin ang mga tinitirhan ng lamok gaya ng botelyang walang laman, paso ng halaman, biyak na goma ng sasakyan, kanal na nakatigil ang tubig dahil sa basura at mga nakayungyong na dahon ng halaman o saging. Alisin ang mga sampay na damit sa madilim na bahagi ng bahay, dito nagtatago ang mga lamok.

Kalinisan sa kapaligiran at loob ng bahay ang solusyon para malipol ang mga lamok. Kung regular na maglilinis, walang lamok at walang sakit. Marahil alam na ng mga taga-Tondo at Pasig ang pinanggagalingan ng mga malalaking lamok.

 

Show comments