NAGTATAKA ang Senado kung bakit patuloy pa rin sa pagdami ang mga Pinoy na naaadik sa paninigarilyo sa kabila na nagmahal ito makaraang ipatupad ang Sin Tax Bill noong Enero 1, 2013. Sabi ni Sen. Juan Edgardo Angara, chairman of the congressional oversight committee on comprehensive tax reform, ipatatawag niya ang cigarette makers, BIR at Customs at pagpapaliwanagin ukol dito. Ayon kay Angara, nilikha ang Sin Tax Bill para mapigilan ang paninigarilyo subalit kabaliktaran ang nangyayari sapagkat lalo pang dumami ang naninigarilyo. Ayon pa rin kay Angara paiimbestigahan niya ang umano’y cigarette smuggling.
Nakapagtataka ito na lalo pang dumami ang naninigarilyo kahit nagmahal ang presyo. Wala ring epekto kung ganoon ang pagtataas ng tax. Ang kikitain sa tax ay itutustos din lang sa mga magkakasakit sa baga, puso, lalamunan, dila at pisngi na pawang dulot ng paninigarilyo. Tutulungan din ng tax na makukuha ang pagpapagawa ng mga ospital para sa maysakit na nakuha sa paninigarilyo.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 71 percent ng cancer death sa mundo ay nakuha sa paninigarilyo. Dito sa Pilipinas, ang lung cancer ang nanguÂngunang dahilan ng kamatayan ng nakararaming lalaki. Marami sa mga nagkakaroon ng cancer ay mula sa mga mahihirap na pamilya. Marami sa may sakit ang namamatay na hindi na nakaabot sa ospital at hindi na rin nakatikim ng gamot.
Sa ganitong nangyayari, nararapat nang aprubahan ng Kongreso ang Senate Bill 3283 na nag-uutos sa mga cigarette company na ilagay sa mga kaha ng sigarilyo ang picture ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Ito ang maaaring solusyon sa pagkasugapa sa yosi.