Matandang daigdig

Dahil ang daigdig matanda na ngayon

Kaya nagbago na lakad ng panahon;

Pati mga tao saanman naroon

Magandang ugali ay naging simaron!

 

Sa lahat ng dako ng aring daigdig

Mga taong banal ay naging masungit;

Walang anu-ano ating namamasid

Nag-aaway-away ang magkakapatid!

 

Mga lahi’t bansa’y hindi magkasundo

Sa hangad makuha ang poder at ginto;

Magandang prinsipyo noon ay pangako

Ngayon ay wala na sa isip at puso!

 

At dito sa ating tahimik na bansa

May gustong sumakmal na bansang masama;

Dahil sa maraming armas na pandigma

Kaliitan natin binabalewala!

Show comments