‘Apat na Anvil Awards, nakamit ng PAGCOR!’

Kamakailan ay pinarangalan ang apat na social responsi­bility projects ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa 49th Anvil Awards. Ito na ang pangalawang pagkakataon na nanalo ang PAGCOR sa prestihiyosong public relations award-giving body.

Ang “Matuwid na daan sa silid-aralan” project, “PAGCOR Feeding Program”, “Bayanihan: Pamaskong handog ng PAGCOR” at “Old slot machine stands turned into school desks” ay ang apat na proyekto ng PAGCOR na nagkamit ng Anvil Award of Merit.

Ayon sa Assistant Vice President ng PAGCOR for Corporate Communications Department (CCD) na si Ms. Maricar Bautista, ang implementasyon ng mga proyektong nakakatulong sa nation-building ay kasama sa adbokasiya ng kasalukuyang PAGCOR Management. Aniya rin, ang nagpatunay sa social relevance ng mga CSR Programs ng ahensya ay ang karangalang natanggap ng PAGCOR mula sa Anvil Awards.

Ang Anvil Award ay iginagawad sa mga mahuhusay na PR Programs na may mahalagang kontribusyon sa lipunan. Sa mahigit na 400 entries na lumahok ngayong taon, 107 lamang ang hinirang na Anvil Awardees.

***

PARA SA KARAGDAGANG BALITA…

‘Suwail na anak anakan(?)’

Sa pag-ikot ng mundo ang dating sanggol na iyong kalung-kalong darating ang panahon na lalaki ito at hahanapin ang kanyang buhay at kapalaran. Hindi mo siya parating mapipigilan para maiwan sa iyong tabi. Ang tunay na sukat ng pag-ibig ay kapag haha­yaan mong ito’y lumayag dahil bandang huli ito’y babalik din sayo. “Sinabihan akong wala akong makain at sasampalin ng pera. Nasaktan ako dahil pamangkin ko siya,” pahayag ni Shirley. Ang madalas na pag-aaway ng pamangkin ng taga Las Piñas na si Shirley Madlangba­yan-52 ang kanyang pinoproblema. Wala umanong pinipiling oras ang bangayan ni Rochelle Olandesca at ng kinakasama nitong si Harold. “Gabi, madaling araw. Hindi sila tumitigil kahit na nakakabulahaw na ng kapitbahay,” wika ni Shirley. Rinig na rinig umano niya ang mga ito sapagkat ang bintana nila ay nakatapat sa bahay na tinitirhan ng kanyang pamangkin. Dingding lamang din ang kanilang pagitan. Sa inis niya nais niya paalisin ang kinakasama ni Rochelle sa kanilang lugar. Ang bahay at lupa ay minana pa nilang magkakapatid mula sa magulang. Hinati sa apat na parte ang lupa ngunit hindi pa ito napapa-subdivide. Mula nang magkasagutan sila ay naramdaman ni Shirley na lumalayo na ang loob ng pamangkin sa kanya. Disyembre 2013…nakarinig ng mga kalabog si Shirley. Sumilip si Shirley sa may pader upang alamin ang nangyayari sa kabila.

“Akala ko sinampal ang pamangkin ko kaya hindi ko napigilang tumingin,” pahayag ni Shirley. Sinabihan niya rin ang pamangkin na kung sinasaktan siya nitong si Harold ay hiwalayan na niya dahil wala siyang mararating dito. Kinabukasan nagdadabog na umano itong si Harold. Pati ang anak nitong dalawang taong gulang ay madalas paluin.

“Napatayo ako kasi ‘di tumitigil ang bata sa kakaiyak. Inihagis ko ang bangko sa may labahan namin sa gate,” salaysay ni Shirley. Gumanti ng bato si Rochelle. Sa inis, tumayo sa may pader si Shirley. Nagkasagutan sila at nagmurahan.

“Umalis ka diyan ako nagpagawa niyan,” wika ni Shirley.

“Put@96 1n@ mo wala kang makain! Gusto mong sampalin kita ng pera?” galit umanong sagot ni Rochelle. Sa galit ni Shirley sinabihan niya ng “Kabit ka!” at ilan pang masasakit na salita ang naibato niya. Kinabukasan lumapit sa barangay si Rochelle at nagreklamo. “Malisyosong salita, pagpaparinig. Yan ang reklamo niya sa akin,” pahayag nito. Ika-30 ng Enero 2014 nagharap silang dalawa sa barangay. Ipinagdidiinan umano ni Rochelle na minura siya ng kanyang tiyahin, hinusgahan ang pagkatao at sinabihan ng kung anu-ano. Depensa ni Shirley sinagot niya lamang ang mura ng kanyang pamangkin dahil ito naman ang nauna.

“Mahal ko yang pamangkin kong yan. Talagang nasaktan ako sa sinabi niya,” salaysay ni Shirley. Nais ni Shirley na umalis si Rochelle sa naturang bahay dahil giit niya siya umano ang nagbayad dito nang muntik na itong mailit nang isangla. Lagi din daw silang nabubulahaw tuwing nag-aaway ang mga ito. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan. Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Shirley.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi mo ma­aaring basta na lamang paalisin ang iyong pamangkin sa tinitirhang bahay. Unang-una wala namang ‘last will and testament’ ang inyong mga magulang na sa iyo lamang ipinamamana ang lupa. May karapatan din siya dito dahil sa bahagi na dapat ay sa kanyang ama. Kailangan niyo munang magkaroon ng ‘Extra Judicial Settlement with partition’ upang ma­ging malinaw ang hatian ng lupa. Ang tungkol naman sa pambabastos umano at pagsigaw-sigaw niya sa inyo ay may ibang paraan para resolbahin ito. Kung nireklamo ka sa barangay maaari ka namang magkontra reklamo kung ginawa niya yun sa iyo. Maaari mo siyang sampahan ng kasong ‘Slander’ at ‘Unjust Vexation’. Ang pag-iingay nila ng hatinggabi maaari ka ring magreklamo ng ‘Alarms and Scandal’. Alam ko ang iyong pinanggagalingan. Ang pakiramdamdam mo binalewala ng iyong pamangkin ang lahat ng iyong pagmamahal, pag-aaruga at huwag na nating bilangin ang perang naitustos mo sa kanyang kinabukasan at pagdating sa dulo basta ka na lamang iiwan na nakatiwangwang na wala mang pagmamalasakit sa ‘yo. Ito ang dahilan kung bakit hindi kayo nakapag-‘move-on’. Kung matatanggap mo lamang na andiyan na ang mga bagay na ito sa iyong puso mas gagaan ang kalooban mo. At ikaw naman Rochelle, ang anak (kahit hindi ka niya niliuwal) na walang utang na loob sa isang taong itinuring kang parang kanya na rin kailanman hindi pagpapalain ng Panginoon. Intindihin mo na parang siya’y natraydor nang basta ka na lamang sumama sa lalaking iniibig mo. Hindi pa huli ang lahat para magkaroon ng isang happy ever after ending ang kwentong ito. Pagsubok lang ang lahat ng ito sa inyong katatagan at kapasidad na magpatawaran at mamuhay ng tahimik kasama ang isa’t-isa.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Maari ka­yong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 at 7104038.

Show comments