ISANG aso sa China ang naibenta ng $2 milyon (mahigit P80 milyon) noong nakaraang Miyerkules. Dahil sa laki ng presyo, sinasabing ang aso ang pinakamahal na naibenta sa kasaysayan.
Ang bentahan ay naganap sa isang “luxury pet fair†sa probinsiya ng Zhejiang. Ang pet fair ay isang pagtitipon ng mga mayayamang mahilig sa mga kakaibang alagang hayop. Isang negosyante na nagbebenta ng lupa ang nakabili sa aso na may lahing Tibetan Mastiff.
Ang aso (tuta pa lamang daw ito) ay may haba na ng dalawa’t kalahating talampakan at bigat na 200 pounds.
May kamahalan ang Tibetan Mastiff dahil sinasabing may dugong leon ang mga ito. Mayroon itong makapal na balahibo sa paligid ng ulo. Malalaki at mababangis din daw ang mga ito. Dahil sa matikas na itsura ng Tibetan Mastiff kaya mabenta ito sa mga mayayaman at makapangyarihan sa China. Ito rin ang dahilan kaya lumobo ang presyo sa merkado.
Ayon naman sa nagpalaki ng naibentang aso, mahal itong ibenta dahil bihira lamang ang mga asong may lahing Tibetan Mastiff. Ikinumpara niya ang Tibetan Mastiff sa mga panda.
Hindi ito ang unang beses na may naiulat na bentahan ng mamahaling aso. Noong 2011, isang aso ang naibenta sa halagang $1 milyon. Sinundo pa ng limousine ang aso (tuta pa lamang) upang ihatid sa mayamang nakabili.