Huli ng Quezon City Police sa isinagawang hot pursuit operation sa Olongapo City ang lider at mga galamay ng kilabot na ‘Cuya robbery group ‘ o ‘Gapos gang’ na sangkot sa serye ng panloloob sa lungsod Quezon.
Malaking accomplishment ito sa pulisya , lalo na at sa lungsod madalas tumira ang grupong ito na umaatake sa mga kabahayan.
Kinilala ang mga nadakip na sina Jonathan Cuya, 23, ang tumatayong lider ng grupo; kapatid na si Jose Cuya Jr., 25; Michael Tolentino, 19; Martin Lalata, 27; at Rodolfo Lalata Jr., 23.
Naging matindi ang takot o pangamba ng maraming residente sa lungsod, dahil nga sa pag-atake ng naturang ‘Gapos gang’ na ito. Malaki-laki na ring halaga ang nakulimbat ng mga ito sa sunod-sunod nilang pag-atake.
Maraming naging biktima ang pinahirapan ng mga ito na ang modus ay sumalisi kapag nagbukas ang gate ng bahay, sabay pasok sa loob at doon nga igagapos ang lahat ng mga nasa loob ng bahay saka mangunglimbat ng lahat ng mga mapapakinabangan.
Kapag naka-jackpot, sa isang resort sa Olongapo umano nagpapalamig ang mga ito.
Kilabot ang grupong ito na gumagamit ng mga nakaw ding sasakyan sa kanilang pag-atake.
Bagamat masasabing may ilan pang miyembro nito ang hindi pa nadadakip maituturing na pilay na ang grupo dahil kasama sa nahuli ang lider nito.
Pero hindi lang pala ngayon nalansag ang grupong ito, marami nang operasyon na nadakip ang ilang miyembro ng kilabot na grupo pero nakakalaya din dahil na nadidismis ang kaso. Ang dahilan hindi na naipupursige ng mga nagiging biktima ang kaso.
At komo siguradong may pondo ang grupo, kaya may insidente rin na piyansa lang ang katapat nito.
Patuloy ang paalala ng Responde sa mga residente. Huwag agad-agad magbukas ng gate ng inyong bahay.
Magmasid muna sa paligid bago buksan ang gate dahil baka nakaantabay lang sa paligid ang mga kawatan na ito.