Lumalawak ang usapin ng pork barrel scam. Nabunyag na 180 mambabatas ang may kuwestiyunableng alokasyon ng kanilang pork barrel funds.
Sa mga nasabing mambabatas ay kabilang ang mga kadikit ng Malacanang tulad nina daÂting senador Edgardo Angara, TESDA Director General Joel Villanueva at dating Customs commissioner Ruffy Biazon.
Matagal nang nagrereklamo si Sen. Jinggoy Estrada kung bakit silang tatlo lang nina Senators Juan Ponce Enrile at Bong Revilla ang tinutumbok ng imbestigasyon samantalang batay mismo sa report ng Commission on Audit ay napakaraming sangkot na mambabatas sa kuwestiyunableng alokasyon ng kanilang PDAF.
Masusubok kung totoong walang prinoprotektahan ang administrasyon kahit pa kaalyado basta’t sumabit sa anomalya ay kanilang kakasuhan.
Sampolan ng gobyerno ang mga kaalyadong mambabatas ng administrasyon para wala nang dahilan upang sumigaw ng panggigigipit ang nasa oposisyon. Sila lang ang target ng mga imbestigasyon sa maling paggamit ng pork barrel fund.
Magandang pagkakataon ito sa Aquino administration para linisin ang anomalya sa paggamit ng pondo ng mga mambabatas. Para maitanim sa isipan ng publiko na ang pamumuno ni P-Noy ang nagpakulong at nagpanagot sa mga nagnakaw ng pondo. Tiyak na malalagay sa kasaysayan ang panunungkulan ni P-Noy na naglinis sa katiwalian sa gobyerno.
Dapat may mapanagot sa mga mambabatas lalo na sa mga tinaguriang BFF (Best Friend Forever) ng Presidente na ang tawag din ay KKK (Kaibigan, Kabarilan at Kaklase).
Nararapat na bago magsimula ang kampanyahan sa 2016 presidential elections, makapagpakulong na sa mga nandaya sa kanilang PDAF at hindi na makasama pa sa election ang mga sangkot sa anomalyang ito.