MH370

NASA Hong Kong kami ng aking pamilya nang mabalitaan ang tungkol sa naglahong Malaysian Airline Airplane (MH370). Nakakalungkot makabalita ng ganito. Dahil habang kami ay nagsasaya, may mga nagluluksa dahil sa “pagkawala” ng kanilang mga minamahal.

Makalipas ang mahigit isang linggo, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikta ang eroplano. Sa nagdaang 11 araw, gumamit na ng water and aerial surveillance ang Malaysia at maging mga karatig bansa para mahanap ang eroplanong may 239 pasahero. Hindi lubos maisip kung paano ito naglaho. Walang kadahilanan at bakas.

Sabi ng mga analyst, masyadong sopistikado ang MH370 upang masira, o magkaroon ng problema. Hindi rin maaaring kakulangan ng gas ang maging sanhi dahil para sa pitong oras ang dalang fuel. At kung sumabog o bumagsak, dapat may remains na makita.

Marami ang nagsasabing na-hijack ang eroplano at iniba ng ruta. Pero imposible rin dahil kahit anong advanced ng mga teknolohiyang mayroon ngayon, walang ma-pickup na trace ng tinungo ng eroplano. At isa pa, mayroong special code na maaaring ipadala ang piloto sa on ground system upang ipaalam na may highjacking na nangyayari. Pero wala. Para bang nagmala-invisible ang eroplano sa pagpapatuloy ng paglalakbay nito.

Naisip ko naman kung ito ay nag-land kung saan mang lupalop ay may mga cell phone naman ang kahit isang pasahero, baka sakaling may kahit isa man lang na nagpadala ng text o kaya ay sumubok tumawag at may naipadalang signal na maaaring ma-pick up ng satellite para malaman kung saan sila naroroon.

May mga ilan na gusto na ring maniwalang baka ang eroplano ay hinigop na ng Bermuda Triangle o kinuha ng mga alien. Isang anggulo rin ng mga imbestigador na ang mismong piloto ang nag-divert ng flight patungo sa ibang lugar. Anyo pa rin ito ng highjacking. Kaya naman maging ang buhay at pamilya ng piloto ay inaalam na ng mga opisyal ngayon.

Wala na talagang imposible sa panahon ngayon. Maging ang isang malaki at high-tech na eroplano ay kayang kayang maitago. Nakakatakot. Patuloy kong ipinagdarasal ang mga pamilya ng mga biktima, na sila ay patuloy na pagkalooban ng Diyos ng lakas ng loob. Higit sa lahat ay matagpuan na ang mga pasahero na buhay at maresolba ang misteryong bumabalot sa MH370.

Show comments